|
||||||||
|
||
Loboc Children's Choir habang nagtatanghal sa Voices of Gratitude tribute concert sa Shanghai
Itinanghal nitong Biyernes, ika-25 ng Hulyo sa Shanghai Children's Theater ang Voices of Gratitude, isang konsiyerto na magkakatuwang na inorganisa ng Philippine Soong Qing Ling Foundation, Filipino Community at Philippine Consulate sa Shanghai. Nagtanghal sa nasabing tribute concert ang kilalang Loboc Children's Choir.
Consul General Wilfredo Cuyugan
Sa kanyang pambungad ng pananalita, ibinahagi ni Consul General Wilfredo Cuyugan na umabot sa Php 2,700,000.00 (RMB 380,000) ang kabuuang halaga ng donasyong nakalap para sa mga biktima ng bagyong Yolanda. Aniya sa pamamagitan ng pagkakaibigan, pagkakawanggawa at pagpapahalaga sa buhay ng sankatauhan, ipinakita ng mga taga-Shanghai ang pagkalinga sa mga biktima para makabangon sa trahedya.
Dagdag niya na hangad ng konsiyertong maipahayag ng mga Pilipino, sa pamamagitan ng mga piling awitin, ang "mahirap sambiting nilalaman ng damdamin pero di dapat manatiling kinikimkim na taos-pusong pasasalamat" sa mga kapatid na Tsino, kaibigan dayuhan at mga kababayang nagdala ng tulong mula sa Shanghai.
Michelle Teope-Shen, Pangulo ng Filipino Community in Shanghai
Pinasalamatan naman ni Michelle Teope-Shen, Pangulo ng Filipino Community sa Shanghai ang lahat ng mga sumuporta para maging matagumpay ang pagtatanghal. Sinabi niyang ang pagdamay at pagkakaibigan ng mga Tsino ang siyang umakay sa mga Pilipinong dumanas ng hirap dahil kay Yolanda para magkaroon ng panibagong buhay na optimistiko at puno ng pag-asa.
Ani pa ni Shen, nawa'y sa pamamagitan ng Voices of Gratitude tribute concert ay mas lumalim ang pagkakaibigang ito dahil sa Shanghai, ang mga Pilipino at Tsino ay matiwasay na namumuhay bilang isang komunidad.
Sa eksklusibong panayam sa Serbisyo Filipino ng CRI, ibinahagi ni Consul General Cuyugan na sa hinaharap balak ng konsulado na isagawa ang food festival at fashion show para ipakilala ang kulturang Pinoy sa Shanghai. Binabalak din ng kaniyang tanggapan ang isang espesyal na pagdiriwang ng Paskong Pinoy na magpapasaya sa mga batang Tsino.
Bukod sa Voices of Gratitude, ang Loboc Children's Choir ay lalahok din sa seremonya ng pagbubukas ng Shanghai International Children's Festival na gaganapin mula ika-26 hanggang ika-28 ng Hulyo at sa Beijing International Chorus Festival mula ika-28 ng Hulyo hanggang ika-3 ng Agosto.
Ulat: Machelle Ramos at Andrea Wu
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |