Sa kapipinid na pulong ng mga ministrong panlabas ng ASEAN at Tsina, iniharap ni Ministrong Panlabas Wang Yi ng Tsina ang mungkahi hinggil sa paghawak ng isyu ng South China Sea sa dalawang landas. Ayon kay Wang, ang unang landas ay mapayapang paglutas sa mga hidwaan sa pamamagitan ng pagsasanggunian at talastasan ng mga bansang may direktang kaugnayan sa isyung ito, at ang ikalawang landas ay magkakasamang pangangalaga ng Tsina at mga bansang ASEAN sa kapayapaan at katatagan ng South China Sea.
Kaugnay nito, ipinahayag ng mga ekspertong Tsino na ang naturang mungkahi ay nagpapakita ng bagong ideya ng Tsina sa isyu ng South China Sea.
Sinabi ni Wu Shicun, Puno ng National Institute for South China Sea Studies ng Tsina, na ang mungkahing ito ay reaksyon ng Tsina sa kapwa mga bilateral na hidwaan sa South China Sea at pagkabahala ng iba't ibang bansang ASEAN sa kapayapaan at katatagan ng karagatang ito. Dagdag niya, nililinaw rin ng mungkahi na ang ibang panig sa labas ng rehiyong ito ay hindi dapat makialam sa isyu ng South China Sea.
Ipinalalagay naman ni Zhang Xuegang, eksperto ng China Institute of Contemporary International Relations, na ang mungkahi hinggil sa dalawang landas ay makakabuti sa paglutas sa mga bilateral na isyu, at pagsasaalang-alang din sa pangkalahatang interes ng buong ASEAN. Aniya pa, ito rin ay nagpapakita ng katapatan ng Tsina sa paglutas sa isyu ng South China Sea, at kahandaang magkaroon ng pagbibigayan kasama ng mga bansang ASEAN.
Salin: Liu Kai