Sa kanyang pakikipagtagpo kahapon sa Beijing kay Purnomo Yusgiantoro, dumadalaw na Ministrong Pandepensa ng Indonesia, ipinahayag ni Fan Changlong, Pangalawang Tagapangulo ng Komisyong Militar ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina, na kasalukuyang nananatiling mabilis ang pag-unlad ng bilateral na relasyon ng Tsina at Indonesia. Umaasa aniya siyang ibayo pang palalakasin ng dalawang hukbo ang estratehikong pagtitiwalaan at palalalimin ang kanilang mapagkaibigan at pragmatikong kooperasyon para magkaroon ng bagong puwersang tagapagsulong ng pangmatagalang estratehikong partnership ng dalawang bansa sa ibat-ibang larangan.
Ipinahayag naman ni Purnomo Yusgiantoro, na may matibay na pundasyon ang pagtutulungang pandepensa ng Tsina at Indonesia. Magsisikap aniya ang Indonesia para ibayo pang pahigpitin ang pagkikipagpalitan sa mataas na antas at pragmatikong pakikipagtulungan sa Tsina para pasulungin ang komprehensibong kooperasyon ng dalawang bansa at hukbo.