|
||||||||
|
||
MINABUTI ni Pangalawang Pangulong Jejomar C. Binay na huwag dumalo sa nakatakdang pagdinig sa Senado hinggil sa maanomalyang pagtatayo ng isang gusali sa Makati.
Ayon sa kanyang tagapagsalitang si Cavite Governor Jonvic Remulla, ipinarating na ni G. Binay ang kanyang pahayag sa taongbayan at sinagot na ang walang sandigang mga akusasyon laban sa kanya at sa kanyang pamilya.
Idinagdag pa ni Gobernador Remulla na hindi Senado ang angkop na pook upang sagutin ang mga akusasyon laban sa Pangalawang Pangulo ng Pilipinas.
MGA SENADOR, NAG-UUSAP. Nag-usap sina Senador Antonio Trillanes IV (gitna) at Senador Aquilino Pimentel III (kanan) na chairman ng Senate Blue Ribbon Sub-Committee na nagsisiyasat sa sinasabing napakamahal na Makati City Hall parking building bago nagsimula ang pagdinig sa Senado kanina. Na sa gawing kaliwa naman si Senador Allan Peter Cayetano na kabilang sa mga nagsisiyasat sa sinasabing anomalya. Hindi naman sumipot sina Vice President Jejomar C. Binay at Makati City Mayor Junjun S. Binay sa pagdinig. (Joseph Vidal/PRIB)
Ipinaliwanag ni Remulla na ang mga tumutuligsa sa pangalawang pangulo na kinabibilangan ng ilang senador ang nagnanais na dumalo si G. Binay sapagkat batid nilang hindi tatagal sa hukuman ang kanilang mga akusasyon.
Ito ang dahilan kaya't walang anumang usapin ang nagbunga laban sa Pamilya Binay.
Isang liham na ang ipinadala kina Senate President Franklin M. Drilon at mga Senador Teofisto Guingona III at Aquilino Pimentel III ni Atty. Martin Subido na handa si Pangalawang Pangulong Binay na magkaroon ng patas at walang pinapanigang pagsisiyasat kahit pa mga malisyoso, walang basehan at may bahid ng politikang mga akusasyon.
Humarap na umano si Makati City Mayor Jejomar Erwin S. Binay at iba pang mga opisyal sa Senado at nagsumite ng mga dokumentong hiniling ng sub-committee.
Bagaman, itinuloy pa rin ng Senado ang pagdinig kahit wala ang mag-amang Binay.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |