|
||||||||
|
||
NAHAHARAP lipunang Pilipino sa mga hamong dulot ng kahirapan, hindi lamang sa kabataan kungdi sa karamihan ng mga mamamayan nito. Ito ang paniniwala ng mga dumalo sa katatapos na Tapatan sa Aristocrat kaninang tanghali.
Ayon kay Arsobispo Oscar V. Cruz, ang judicial vicar ng National Appellate Matrimonial Tribunal, makikita ang mga nagdarahop sa mga pook na karaniwang nilang kinalalagyan. Bagama't may mga palatuntunang ipinatutupad ang pamahalaan, hindi ito makasasapat sapagkat walang kakayahan at poder ang karaniwang mamamayan.
Ipinaliwanag ni Deputy Executive Director ng Council for the Welfare of Children Grace Alejandrino na may pagtutulungan ang iba't ibang tanggapan ng pamahalaan upang masagot ang pangangailangang pangkabuhayan, pangkalusugan at edukasyon ng malaking bahagi ng mga mamamayan ng bansa.
Para kay Nandy Pacheco, nagtatag ng Kapatiran Party, ang problema ay nasa larangan ng politika sapagkat kahit may mga partido (politikal), walang maliwanag na naninindigan sa iba't ibang isyu mula sa kahirapan hanggang sa kabataan, edukasyon at iba pang mahahalagang paksa.
Sinabi naman ni Atty. Jose Tale, ang namumuno sa Couples for Christ, mahalagang magtulungan ang simbahan, pamahalaan at mga komunidad sa pagkatugon sa marami-raming problema ng bayan. Sa kanilang grupo, ayon kay Atty. Tale, mayroon silang pakikipagtulungan sa Ateneo de Manila University at sa ilang paalaralang bayan sa Paranaque. Bukod sa literacy at reading instructions, isinabay na nila ang school feeding program sapagkat may mga batang hindi nag-aalmusal bago pumasok sa paaralan.
Si Prof. Antonio Valdez, isang dating undersecretary ng Kagawaran ng Edukasyon, ay naniniwalang ang pinakamagandang asset ng alinmang bansa ay ang mga mamamayan nito. Sa Pilipinas, mayroong higit sa 10 milyong mga manggagawa sa iba't ibang bansa kaya't mahalagang alamin din ang kanilang mga kalagayan. Nangibang-bansa ang mga ito, dahil sa kakulangan ng mapapasukang mga pagawaan at pabrika sa Pilipinas.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |