|
||||||||
|
||
NAGDESISYON ang Korte Suprema na sibakin si Sandiganbayan Associate Justice Gregory Ong. Pinawalang-saysay ang kanyang appeal.
Ayon kay Atty. Theodore Te, tagapagsalita ng hukuman, tinanggihan ng Korte Suprema ang Motion for Reconsideration na ipinadala noong ika-13 ng Oktubre, "for lack of merit."
Sa desisyong lumabas noong ika-23 ng Setyembre, nabatid na nagkasala si Ong ng "gross misconduct, dishonesty and impropriety" sa naging desisyon ng Sandiganbayan na nagpawalang-sala kay Janet Lim Napoles sa mga anomaly sa pagbili ng 500 Kevlar helmets noong 2010. Sa kanyang motion for reconsideration, sinabi ni Ong na ang pagpapawalang-sala kay Napoles ay hindi niya personal na desisyon bagkos ay gawa ng isang kalipunan ng mga mahistrado.
Bukod sa pagpapatalsik sa kanya sa maraming taong paglilingkod sa pamahalaan, pinagbawalan siya ng Korte Suprema na bumalik sa alinmang tanggapan ng pamahalaan at maging mga korporasyon.
Nagmula ang usapin laban kay Ong sa mga pahayag ng lead whistleblower Benhur Luy sa Senate Blue Ribbon Committee noong nakalipas na taon. Inakusahan niya si Ong na may personal na contact kay Napoles.
Nakabimbin si Napoles sa usaping plunder sa paglustay ng bilyong pisong Priority Development Assistance Funds sa pamamagitan ng mga palsipikadong livelihood organizations.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |