|
||||||||
|
||
Ambassador Erlinda F. Basilio
Idinaos nitong Huwebes sa Pasuguan ng Pilipinas sa Beijing ang Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Ladies Circle (ALC) Tea Party. Ang ALC ay regular na pagtitipong dinadaluhan ng mga kababaihang diplomata na nanunungkulan sa mga embahada ng ASEAN.
Walang iba kundi si Ambassador Erlinda F. Basilio ang nag-isip ng konsepto ng pagtatanghal. Sa kanyang panalubong na pananalita sinabi niyang "Kung may isang bagay na kilala sa mga Pilipino ito ay ang hilig sa kasiyahan. Marangya ang selebrasyon ng mga pista at pestibal. May malaking handaan sa bawat bahay at maging ang hindi kakilala ay pinatutuloy. Sa panahon ng mga pista, tunay na naipamamalas ang bantog na mainit na pagtanggap ng mga Pilipino sa mga bisita."
Mga bisita na sinubukang isuot ang maskarang karaniwang nakikita sa Maskara Festival ng Bacolod
Tampok sa ALC Tea Party ang pag-awit ng ilang mga kundiman para ipakilala ang harana. Ipinamalas din ng mga kawani ang galing sa pagsasayaw ng folk dance at maikling sampol ng Maskara Festival. At ipinakita rin ang Santa Krusan tampok ang naggagandahang mga dilag ng Philippine Embassy suot ang iba't ibang istilo ng kasuotang Pilipino.
Stagelights, inawit ang Dahil Sa 'Yo para ipakita kung paano manligaw sa pamamagitan ng harana
Ayon kay Lada Phumas ng ASEAN China Center, ang pagtatanghal ay magandang pagkakataon para ipaalam ang mga pestibal sa Pilipinas na ginaganap sa loob ng isang taon.
Sinabi naman ni Felicity Wong ng Brunei Embassy na ang pagtitipon ay napakasigla at nagpapakita ng pagkamalikhain ng mga Pilipino.
Katutubong sayaw tuwing pista na itinanghal ng mga kawani ng Pasuguan ng Pilipinas
Matapos ang programa nagsalu-salo ang mga bisita sa handang inasal, lumpia, pancit, puto, biko, turon at sopas na molo.
Ulat ni Machelle Ramos
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |