Sa panahon ng kanyang pagdalo ngayong araw sa ika-22 di-pormal na pulong ng mga lider ng Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC), maikling nag-usap si Pangulong Xi Jinping ng Tsina sa kanyang counterpart na Pilipino na si Benigno Aquino III.
Tinukoy ni Xi na sapul nang itatag ang relasyong diplomatiko ng Tsina at Pilipinas, nananatiling mainam ang pag-unlad ng relasyon ng dalawang bansa. Narating ng kapuwa panig ang ilang komong palagay sa isyu ng paghawak sa mga alitan. Nitong nakalipas na ilang taon, nahaharap sa malubhang kahirapan ang relasyong Sino-Pilipino dahil sa isyu ng South China Sea. Umaasa aniya siyang babalik ang panig Pilipino sa mga narating na komong palagay, at konstruktibong hawakan, kasama ng panig Tsino ang mga kinauukulang isyu, para lumikha ng kondisyon sa malusog na pag-unlad ng relasyon ng dalawang bansa.
Nagpahayag naman si Aquino ng kahandaang lutasin, kasama ng panig Tsino, ang mga kinauukulang isyu. Umaasa aniya siyang magkakaroon ng pagbuti at pag-unlad ang relasyong Sino-Pilipino.
Salin: Vera