|
||||||||
|
||
INDUSTRIYA NG MINA, GAGANDA SA ILALIM NG BANGSAMORO BASIC LAW. Sinabi ni Bb. Nelia Halcon, Executive Vice President ng Chamber of Mines of the Philippines na maganda ang hinaharap ng pagmimina sa masasaklaw ng Bangsamoro sa ilalim ng panukalang Bangsamoro Basic Law. Interesado umano ang mga Bangsamoro na mapakinabangan ang likas na yaman ng walang red tape. (Melo M. Acuna)
MAGKAKAROON ng magandang hinaharap ang industriya ng pagmimina sa Autonomous Region in Muslim Mindanao sa oras na makapasa ang Bangsamoro Basic Law.
Ayon kay Ms. Nelia Halcon, Executive Vice President ng Chamber of Mines of the Philippines, darami ang mga oportunidad sa oras na makapasa ang panukalang batas.
Sa isang panayam, sinabi ni Bb. Halcon na ang kailangan ay pamunuan ito ng isang taong may sapat na kakayahan, pang-unawa at katapatan hinggil sa mga palatuntunan upang umunlad ang Bangsamoro community.
Mayaman ang nasasakupan ng Bangsamoro mula sa mga yamang likas, pangisdaan, kagubatan at maging biodiversity. Malaki ang iuunlad ng Bangsamoro maayos lamang mapatakbo ang mga programa. Malaki rin ang potensyal sa larangan ng pagsasaka.
Nakipag-usap na ang mga namumuno sa Moro Islamic Liberation Front sa kanila at interesado ang mga Bangsamoro na mapakinabangan ang likas na yaman ng walang red tape.
May mga iminungkahi na umano si Ginoong Art Disini sa mga Bangsamoro upang mapakinabangan ang likas na yaman tulad ng ginto at iba pa.
Sa katanungan hinggil sa panukalang 75-25 sharing ng kita mula sa likas na yaman, ani Bb. Halcon, bilang isang ekonomista, sa kanyang personal na pananaw ay napakalaking pabor sa mga Bangsamoro.
Sa kanyang pagkakaunawa, ang 60-40 sharing ay sapat na sapagkat ang 60% ng kita ay matutungo sa pamahalaang pambansa at makakabahagi ang lahat ng mga mamamayan.
Ang biyayang mula sa likas na yaman ay para sa lahat at hindi lamang sa host community, dagdag pa ni Bb. Halcon.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |