|
||||||||
|
||
Sa Ika-22 Pulong ng mga Lider ng Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) na idinaos sa Beijing mula ika-11 hanggang ika-12 ng buwang ito, ipinasiya ng mga kalahok na lider na simulan ang proseso ng pagtatatag ng Malayang Sonang Pangkalakalan ng Asya-Pasipiko.
Nagpalabas ngayong araw ang People's Daily, pahayagan na may pinakamalawak na sirkulasyon ng Tsina ng komentaryo na nagsasabing ang nasabing kapasiyahan ay nagpapakita na pumapasok na sa bagong yugto ang integrasyong pangkabuhayan ng Asya-Pasipiko.
Binalik-tanaw ng Komentaryo ang landas na pangkooperasyon na nararanasan ng mga miyembro ng APEC sapul nang buuin ang organisasyon 25 taon ang nakaraan. Noong 1994, sa kauna-unahang pagkakataon, itinakda ng Bogor Declaration ang timetable hinggil sa liberalisasyon ng kalakalan at pamumuhunan. Tinatawag ding Bogor Goals ang timetable na ito. Noong 1995, sa Osaka Action Agenda, hiniling ng APEC sa mga miyembro nito na tupdin ang kani-kanilang pangako hinggil sa liberalisasyon ng kalakalan at pamumuhunan. Noong 2001, sa Shanghai Accord, inulit ng mga miyembro ng APEC ang kanilang pangako sa pagtupad sa Bogor Goals.
Sa kasalukuyan, sumapi na ang mga miyembro ng APEC sa mahigit 50 subrehiyonal o bilateral na malayang sonang pangkalakalan.
Sa hinaharap naman, inaasahan isasama sa proseso ng pagtatatag ng Malayang Sonang Pangkalakalan ng Asya-Pasipiko ang nasabing mga malayang sonang pangkalakalan, at ang kasalukuyang itinatatag na Trans-Pacific Partnership (TPP) at Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP).
Salin: Jade
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |