|
||||||||
|
||
Bumalik sa Beijing kahapon si Pangulong Xi Jinping ng Tsina pagkatapos ng kanyang biyahe sa Australia, New Zealand at Fiji. Kaugnay nito, sinabi ni Wang Yi, Ministrong Panlabas ng Tsina na ang katatapos na pagdalaw ni Xi sa tatlong bansa sa Timog Pasipiko ay nagpapasulong ng pagtutulungan at magkasamang kaunlaran ng Tsina at nasabing mga bansa.
Sa kanyang sampung-araw na biyahe na nagsimula noong ika-14 ng Nobyembre, dumalo si Pangulong Xi sa Ika-9 na Group of Twenty (G20) Summit sa Brisbane, Australia, dumalaw sa nabanggit na tatlong bansa, at nakipag-usap sa mga lider ng walong island countries sa Pasipiko na may relasyong diplomatiko sa Tsina.
Sa G20 Summit, nanawagan siya sa mga kalahok na lider na gawing priyoridad ang koordinasyon sa patakarang makroeknomiko at pagpapasulong ng connectivity para makalikha ng mas maraming trabaho at mapabuti ang pamumuhay ng mga mamamayan.
Hiniling din ni Xi sa mga miyembro ng G20 na ituring ang Grupo bilang komunidad ng komong interes at tadhana para malabanan ang proteksyonismo at mapalago ang kabuhayang pandaigdig.
Sa kanyang biyahe, nagkasundo si Xi at mga lider ng Australia at New Zealand na i-angat sa komprehensibong estratehikong partnership ang mga relasyong diplomatiko ng Tsina at nasabing dalawang bansa.
Ipinatalastas din ng Tsina at Australia ang praktikal na pagtatapos ng kanilang pagsasanggunian hinggil sa Malayang Sonang Pangkalakalan (FTA).
Sa kanyang pagdalaw sa Fiji, sinabi ni Pangulong Xi na ang taong 2015 ay ika-40 anibersaryo ng pagkakatatag ng relasyong diplomatiko ng dalawang bansa. Nakahanda aniya ang Tsina na pasulungin ang kanilang pagpapalitan at pagtutulungan sa iba't ibang larangan.
Sa kanyang pakikipagtagpo sa walong bansang isla sa Pasipiko, sumang-ayon si Xi at mga lider na pasulungin ang kanilang estratehikong partnership na nagtatampok sa paggagalangan at magkasamang pag-unlad.
Salin: Jade
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |