|
||||||||
|
||
PINASALAMATAN ni Pangulong Aquino ang International Labor Organization sa Pilipinas na pinamumunuan ni Country Director Lawrence Jeff Johnson sa mensaheng ipinadala sa pagtitipon ng mga taga ILO at iba't ibang foreign ambassador na nakatalaga sa Maynila.
Sa talumpating binasa ni Kalihim Gregory Domingo ng Department of Trade and Industry sa ILO Partners Appreciation and Year-End sa Rockwell Tent kagabi, hindi umano matatawaran ang pagtulong ng pandaigdigang samahan at mga pamahalaan ng Australia, United Kingdom, Spain, Japan, Alemanya, Norway at mga institusyon tulad ng Japan International Cooperation Agency.
Nakapagbigay ng emergency employment ang International Labour Organization at mga kabalikat nitong bansa sa libu-libong mga nasalanta ng bagyo sa iba't ibang bahagi ng bansa, hindi lamang sa central Philippines.
Natampok sa okasyon ang paghahandog ng mga ala-alang ginawa ng mga samahan ng mga kababaihan at kalalakihan sa iba't ibang komunidad na binagyo sa mga panauhing mula sa iba't ibang bansa.
Sa panig ni G. Johnson, pinasalamatan niya ang mga kinatawan ng iba't ibang pamahalaan sa pagtulong sa kanilang mabigyan ng hanapbuhay ang mga nasalanta. Umaasa siyang magpapatuloy ang pagtutulungan sapagkat marami pang nararapat gawin sa mga mamamayang nangangailangan ng tulong.
Dumalo rin sa pagtitipon si Acting Labor and Employment Secretary Reydeluz Conferido.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |