Pinagtibay kahapon ng National Legislative Assembly ng Thailand ang balangkas ng Memorandum of Understanding (MOU) ng Tsina at Thailand hinggil sa pagtutulungang pandaambakal.
Ayon sa nasabing MOU, makikilahok ang Tsina sa paglalatag ng dalawang daan-bakal ng bansa. Ang nasabing mga daambakal ay ang unang mga riles ng Thailand na may lapad na 1.435 metro. Sa kasalukuyan, isang metro lang ang lapad ng riles sa Thailand.
Dadaan ang dalawang daambakal sa mga pangunahing sentrong pangkalakalan at pang-industriya ng bansa. Ang isang riles na may habang 734 kilometro ay magsisimula sa lalawigang Nong Khai, at dadaan ng lalawigang Saraburi, papuntang lalawigang Rayong. Samantala, ang isa pang riles na may habang 133 kilometro ay mag-uugnay ng lalawigang Saraburi at Bangkok.
Makikipag-ugnayan ang mga daambakal sa riles sa Laos. Makakatulong ito sa pag-uugnayan sa pagitan ng mga bansang ASEAN.
Salin: Jade