|
||||||||
|
||
Pangulong Tsino, nagpahayag ng bating Pambagong Taon para sa 2015
|
Sa bisperas ng Bagong Taon 2015, isang mensaheng Pambagong Taon ang ipinahayag ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina sa pamamagitan ng China Radio International (CRI), China National Radio (CNR) at China Central Television (CCTV). Narito po ang buong teksto ng pagbati ni Pangulong Xi:
Mga binibini at ginoo, mga kasamahan at kaibigan:
Mabilis ang paglipas ng panahon. Dumaan ang taong 2014 at papasok naman ang taong 2015. Sa panahon ng pamamaalam sa lumang taon at pagsalubong sa bago, umaasa akong makakaabot ang aking bating Pambagong Taon sa mga mamamayan ng lahat ng mga grupong etniko ng Tsina, mga kababayan sa Espesyal na Rehiyong Administratibo ng Hong Kong (HKSAR) at Espesyal na Rehiyong Administratibo ng Macau (MacauSAR), mga kababayan sa Taiwan, at mga Tsino sa ibayong dagat, at mga kaibigan mula sa iba't ibang bansa at rehiyon ng daigdig.
Di-makakalimutan ang taong 2014. Sa taong ito, buong sikap na pinasulong ng Tsina ang reporma, napagtagumpayan ang maraming kahirapan, at ipinalabas ang maraming mahalagang hakbangin hinggil sa reporma na may mahigpit na kinalaman sa mga mamamayan. Sa ilalim ng bagong kalagayan at tunguhin ng kabuhayan, aktibo nating pinaunlad ang kabuhayan at lipunan, at pinabuti ang pamumuhay ng mga mamamayan. Noong ika-12 ng Disyembre, pormal na naisaoperasyon ang unang bahagi ng gitnang linya ng proyekto ng paghahatid ng tubig mula sa katimugan ng Tsina pahilaga. Lumipat sa ibang lugar ang mahigit 400 libong residente sa kahabaan ng linyang ito, at nagbigay sila ng malaking ambag sa proyekto ng paghahatid ng tubig. Taos-puso ko silang pinasasalamatan, at hangad ko ang kanilang maligayang pamumuhay sa kanilang bagong tahanan.
Sa taong ito, buong sikap nating pinahigpit ang disiplina ng mga opisyal. Nilabanan ang pormalismo, bureaucracy, hedonism, at sobrang paggasta, at natamo ang malaking bunga sa aspektong ito. Pinalakas din natin ang paglaban sa korupsyon, isinagawa ang "zero tolerance" sa mga bulok na opisyal, at ipinakita ang matatag na determinasyon sa paglaban sa korupsyon.
Sa taong ito, pinaigting ng Tsina ang pakikipagtulungan at pakikipagpalagayan sa iba't ibang bansa ng daigdig. Halimbawa, idinaos sa Beijing ang Di-pormal na Pulong ng mga Lider ng Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC). Dumalaw ang mga lider na Tsino sa maraming bansa, at dumalaw naman sa Tsina ang mga lider ng maraming bansa. Sa pamamagitan ng mga ito, mas mabuting naunawaan ng daigdig ang Tsina.
Para sa mga gawaing ito, ginawa ng aming mga opisyal ang malaking pagsisikap, at ibinigay naman ng mga mamamayan ang maraming pagkatig. Thumbs-up ako sa kanila.
Sa taong ito, sa pamamagitan ng lehislasyon, itinakda ng Tsina ang araw bilang paggunita sa tagumpay ng digmaan ng mga mamamayang Tsino laban sa Hapon, araw bilang pag-alaala sa mga martyr, at araw bilang pagluluksa sa mga biktima ng Nanjing Massacre. Idinaos din ang mga maringal na aktibidad sa mga araw na ito. Paano man nagbabago ang panahon, dapat lagi nating tandaan ang mga taong nag-alay ng kanilang buhay para sa bansa, nasyon, at kapayapaan.
Sa taong ito, naranasan din natin ang malulungkot na sandali. Mahigit 150 kababayang Tsino ang lulan ng nawawalang Flight MH370 ng Malaysia Airlines. Hindi natin sila makakalimutan, at dapat patuloy at buong sikap natin silang hanapin, sa pamamagitan ng iba't ibang paraan. Marami ring likas na kalamidad at aksidente ang naganap sa Tsina sa taong ito. Maraming nasawi sa mga trahedyang, gaya ng lindol na naganap sa lalawigang Yunnan sa timog kanluran ng bansa, kung saan nasawi ang mahigit 600 kababayan. Sila ay mananatili sa ating alaala. Muli kong ipinapahayag ang pakikiramay sa kani-kanilang kamag-anakan.
Sa nalalapit na bagong taon, patuloy tayong magsisikap, para matugunan, sa pamamagitan ng aksyon, ang pag-asa ng mga mamamayan, at maisakatuparan ang kanilang mga hangarin. Patuloy nating palalalimin ang komprehensibong reporma, nang walang pag-urong, at sa pamamagitan ng pinakamalaking pagsisikap. Patuloy din nating pasusulungin ang pangangasiwa sa bansa alinsunod sa batas, at sa pamamagitan ng patakarang "rule of law," igagarantiya ang karapatan ng mga mamamayan, ipagtatanggol ang pagkakapantay-pantay at katarungan ng lipunan, at pabibilisin ang pag-unlad ng bansa. Igigiit natin ang kapwa reporma at "rule of law," para maisakatuparan, batay sa nakatakdang iskedyul, ang target ng pagtatatag ng may-kaginhawahang lipunan sa mas mataas na antas.
Habang bumubuti ang pamumuhay ng mga mamamayang Tsino, hindi natin nakakalimutan ang mga mahihirap na mamamayan. Buong sigla nating isasagawa ang mga gawaing may kinalaman sa pamumuhay ng mga mamamayan, lalung-lalo na ang pagpapaunlad ng mga mahihirap na lugar, at paggarantiya sa minimum living standard, para tulungan ang lahat ng mga mahihirap na mamamayan sa kapwa kanayunan at lunsod.
Patuloy nating pahihigpitin ang pangangasiwa sa mga opisyal, at isasaayos ang kanilang gawi. Patuloy nating igigiit ang paglaban sa korupsyon, at palalakasin ang sistema laban sa korupsyon. Sa sosyalistang Tsina na pinamumunuan ng Partido Komunista ng Tsina, paparusahan ang bawat bulok na opisyal, at wala ritong eksepsyon.
Isinasagawa ng Tsina ang mga dakilang usapin. Matatamo natin ang tagumpay kung matatag ang ating determinasyon, at matatalo tayo kung walang paggigiit. Kailangan ang napakalaking pagsisikap, para maisakatuparan ang dakilang blueprint ng Tsina. Dapat magkaisa ang lahat ng mga mamamayan ng iba't ibang grupong etniko ng buong bansa. Sasamantalahin natin ang mga pagkakataon, magkakasamang haharapin ang mga hamon, buong sikap na lulutasin ang mga lilitaw na problema, at patuloy na isasagawa ang inobasyon, para maging mas mabuti ang pag-unlad ng bansa at pamumuhay ng mga mamamayan.
Habang nagsisikap para sa kinabukasan ng sariling bansa, nasa isip din ng mga mamamayang Tsino ang mga mamamayan sa daigdig. Nang maganap ang epidemiya ng Ebola sa Aprika, o nang maputol ang suplay ng tubig-inumin sa kabisera ng Maldives, kapwa nagkaloob tayo ng tulong. Ang mga ito ay halimbawa ng damdamin ng mga mamamayang Tsino na nagbabahagi ng komong kapalaran, kasama ng mga mamamayan ng iba't ibang bansa ng daigdig.
Hindi pa mapayapa ang kasalukuyang daigdig. Hangad natin ang kapayapaan. Taos-puso rin tayong umaasang magkakasamang magsisikap ang mga mamamayan ng iba't ibang bansa ng daigdig, para maalis ang gutom sa lahat ng mga tao, para maiwasan ang digmaan na banta sa lahat ng mga pamilya, at para maging maligaya ang lahat ng mga bata.
Salamat sa inyong lahat!
Mga giliw na tagasubaybay, iyan po ang mensaheng Pambagong Taon ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina, na ipinalabas sa pamamagitan ng China Radio International, China National Radio, at China Central Television. Salamat, at Manigong Bagong Taon sa inyong lahat!
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |