SINABI ng nagbitiw na PNP Chief Alan Purisima na ipinaabot na rin niya ang sakit at kalungkutan sa pagkasawi ng 44 na tauhan ng PNP-Special Action Force noong nakalipas na Enero 25.
Kasama ng buong bansa, nadarama rin umano niya ang sakit at hirap ng bawat kasapi ng Special Action Force at ng kanilang mga kamag-anak, tulad ng bawat alagad ng batas.
Ito ang laman ng kanyang 13-pahinang position paper na isinumita sa Senado noong Miyerkoles, ika-11 ng Marso. Siya umano ay isang tauhan din ng SAF at batid niya ang sakripisyo ng bawat tauhan sa kanyang pagganap ng tungkulin.
Nakasama na rin umano niya ang iba pang mga tauhan ng SAF sa iba't ibang misyon kaya't batid niya ang hirap na dinaranas ng mga tauhan sa bawat operasyon.