Sa nalalapit na okasyon ng pagdaraos ng bagong round ng Asia-African Conference at aktibidad bilang paggunita sa ika-60 anibersaryo ng unang Asia-African Conference na tinatawag ding Bandung Conference, ipinalabas kamakailan ni Anak Agung Banyu Parwita, Pangalawang Puno ng President University ng Indonesya, ang artikulong nagsasabing mahalaga pa rin sa kasalukuyan ang diwa ng Bandung Conference.
Ayon sa artikulo, sa Bandung Conference na idinaos 60 taon na ang nakaraan, ipinakita ng mga kalahok na bansang Asyano at Aprikano ang diwa ng paglaban sa kolonyalismo at rasismo, pangangalaga sa kapayapaan ng daigdig, at pagpapasulong sa mapayapang pakikipamuhayan at pagtutulungang pangkaibigan ng iba't ibang bansa.
Anang artikulo, sa kasalukuyan, kinakaharap ng maraming bansa ang malaking hamon sa isyu ng pag-unlad, at umiiral pa rin ang pagkakaiba at agwat sa pagitan ng iba't ibang bansa. Kaya, mahalaga pa rin ang diwa ng Bandung Conference. Anito pa, ang bagong round ng Asia-African Conference ay mas magtatampok sa pag-unlad ng kabuhayan, at magpapasulong sa pagtataguyod ng diwa ng Bandung Conference sa mga aspekto ng pagpapalagayang pangkabuhayan at pangkalakalan, kagalingang panlipunan, at iba pa.
Salin: Liu Kai