|
||||||||
|
||
NANINIWALA si dating Commission on Elections chairman Christian Monsod na magaling na abogado at isang tapat na tao si Dean Andres D. Bautista, ang hinirang na kapalit ni Chairman Sixto Brillantes na nagretiro na noong ikalawang araw ng Pebrero bilang chairman ng COMELEC.
Sa isang panayam bago sinimulan ang pulong ng Foreign Correspondents Association of the Philippines at Friends of Peace sa Asian Institute of Management kanina, sinabi ni Atty. Monsod na pitong abogado na ang bumubuo ng Comelec at ang kailangang gawin ng mga bagong hirang at kasalukuyang naglilingkod ay kausapin ang kanilang mga tauhan sa iba't ibang bahagi ng bansa sapagkat ang pagtatagumpay ng halalan ay nagmumula sa iba't ibang field offices.
Nababahala si Atty. Monsod na baka walang sapat na kakayahan si Dean Bautista sa larangan ng management sapagkat hindi mga isyung legal ang kinakaharap ng mga namumuno sa Commission on Elections sapagkat ito'y sa pagpapatakbo ng halalan. Ipinaliwanag pa niya na "management skills" ang kailangan ng isang chairman.
Kailangan ding mabatid kung mayroon siyang kaalaman sa larangan ng information-communication technology sapagkat mahalaga ito sa halalan. Kailangang alamin din nina Chairman Bautista ang pananaw at karanasan ng mga nasa lalawigan sa larangan ng automated elections.
Wala nang isang taon ang kanilang magagamit upang mabatid ang lahat ng anggulo ng operasyon ng Commission on Elections sapagkat gagawin ang halalan sa darating na Mayo nueve, 2016.
Nanawagan din si G. Monsod sa mga "watchdog" na tumulong upang mabago ang mga balangkas sa halalan lalo't kailangang igalang at tupdin ang mga adhikain Saligang Batas. Hindi umano kailangang laging sumasang-ayon ang watchdogs sa bawat sinasabi ng Commission on Elections.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |