PANGULONG AQUINO: PAGKAKAIBGAN NG TSINA AT PILIPINAS, MARAMI NANG PINAGDAANAN. Ito ang buod ng talumpati ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III sa pagdiriwang ng Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce and Industry Inc. ng ika-117 Araw ng Kalayaan kagabi. (Malacanang Photo)
SINABI ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III na kita sa lipunang Filipino ang pagkakaisa ng mga Tsino at mga Filipino, at sa pagtutulungan, nakamtan ang kaunlaran.
Ito ang buod ng kanyang talumpati sa pagdiriwang ng Filipino-Chinese Community ng ika-117 taon ng Araw ng Kalayaan sa Philippine International Convention Center kagabi.
Idinagdag pa ni Pangulong Aquino na isang Tsinoy, si General Ignacio Paua ang nakipaglaban sa mga Kastila upang makamtan ang Kalayaan. Isang General Vicente Lim ang nakipaglaban sa mga Hapones noong ikalawang digmaang pandaigdig. Nahalal din sa panguluhan si Sergio Osmena at naging Chief Justice (ng Korte Suprema) si Claudio Teehankee.
Malaki rin ang naitulong ng Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce and Industry sa bansa at mga mamamayan. Nakita na ito sa mga nakalipas na trahedya, pagtatayo ng mga silid-aralan at pagtulong sa pulisya at maging sa pagkakaroon ng mga fire brigade. Marami na ring hanapbuhay ang naibigay sa mga Filipino sa paglipas ng taon.
Sa kanyang talumpati, sinabi ni Pangulong Aquino na ang pagkakaisa ay higit pa sa mga hangganan ng mga bansa. Ang pagmamabutihang-loob ang siyang kailangan upang makamtan ang iisang layunin, ang kapayapaan. Ang anumang tagumpay at pagkakasadlak ay nadarama rin ng mga kalapit-bansa. Kailangang magtulungan upang masugpo ang mga malawakang mga karamdaman, global terrorism at iba pang mga suliranin.