Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Malaking bahagi ng ekonomiya ng Pilipinas, mula sa OFWs

(GMT+08:00) 2015-06-19 18:08:16       CRI

MALAKING BAHAGI NG EKONOMIYA, MULA SA OFWS.  Sinabi ni Bangko Sentral ng Pilipinas Deputy Governor Diwa C. Guinigundo na mula walo hanggang sampung porsiyento ng Gross Domestic Product ang mula sa foreign remittances ng mga Filipino sa buong daigdig.  Nagmula sa US$ 10 milyon noong 1970 ang naipadala ng mga manggagawa at noong 2014 ay umabot na sa US$ 24.3 bilyon.  (Melo M. Acuna)

MALAKING papel ang ginagampanan ng mga padalang salapi ng mga manggagawang Filipino sa iba't ibang bansa.

Ito ang sinabi ni Deputy Governor Diwa C. Guinigundo sa isang panayam kaninang umaga sa kanyang tanggapan. Ipinaliwanag niya na ang mga padalang salapi ay umaabot sa 9 hanggang 10% ng Gross Domestic Product.

Ani G. Guinigundo, noong 2009, umabot sa US$ 17.5 bilyon ang padalang salapi sa Pilipinas at nakarating sa 10.3% ng Gross Domestic Product. Sa paglago ng ekonomiya na mula 5 hanggang 6%, lumalaki rin ang papel ng remittances sa tinaguriang "real GDP" sa mas mababang antas na 8 haggang 9% at malaking bahagi pa rin ng GDP.

Ang remittances na ito ay sumusuporta sa consumption expenditure na may 70% ng GDP. Maraming mga Filipino ang nagpapadala ng salapi sa Pilipinas upang gamitin sa kalakal at malaki ang papel nito sa pangkalahatang ekonomiya.

Noong 1970, umabot lamang sa US$ 10 milyon ang padalang salapi ng mga manggagawang nangibang bansa. Noong 2014, umabot sa US$ 24.3 bilyon na napakalaking itinaas sa nakalipas na 40 taon.

Nakita ang paglago mula noong 1970 at nakarating sa halagang US$ 55 milyon noong 1973. Noong 2005, nakita ang 25% paglago ng cash remittances. Sa malaking halagang mula sa ibang bansa. May 30 hanggang 40% nito ang mula sa Estados Unidos sapagkat matagal na ang relasyong namamagitan sa Pilipinas at America. Nagbigay sila ng mga working permit at mataas ang kanilang pasahod. Malaki rin ang posibilidad na bahagi nito ang mula sa Gitnang Silangan sapagkat maraming mga bangkong pinagpapadalhan ang itinuturing na correspondent banks na nasa Estados Unidos.

Ayon kay Deputy Governor Guinigundo, ang kanilang pinakahuling datos ay nagsasaad na 11% ng remittances ang mula sa Saudi Arabia, may 7% ang mula sa United Arab Emirates, 5% ang mula sa United Kingdom, 5% rin ang nagmula sa Singapore at mayroong 4% ang mula sa Japan.

Kung noong nakalipas na dekada ay panglima ang salaping mula sa Italia, nawala ang Italia sa nangungunang lima sapagkat sinimulan ng Italia ang kanilang family unification program na pumapayag na madala ng mga manggagawang Filipino ang kanilang mga anak na wala pang 18 taong gulang.

Sa pagkakataong ganito, malaki ang posibilidad na ang salaping ipadadala sa Pilipinas ay doon na magugugol. Ani G. Guinigundo, nawawalan nang dahilang magpadala pa ng salaping pabalik sa Pilipinas kung naroon na ang kanilang mga supling. Bagama't may benepisyong makakamtan ang bansang Italya, sa paggasta ng mga Filipino ng kanilang kinikita doon, mangangailangan din sila ng mga dagdag na pagawaing-bayan at salaping para sa mga tahanan ng mga nangibang-bansang manggagawa.

Mas malaki ang salaping ipinadadala ng mga manggagawang mayroong mas mahaba sa isang taong kontrata sapagkat karaniwang ang unang taon ay nagagamit na pambayad sa pinagkakautangan ng pamasahe at pagpoproseso ng kanilang papeles. Ang mga manggagawang higit sa isang taon ang kontrata ay mas malaki ang naipadadala sapagkat wala na silang utang na inaakalang mababayaran. Mayroon ding mga manggagawa na nag-iipon ng kanilang salaping ipadadala sa Pilipinas sapagkat ang pagpapadala ng US$ 50 ay sinisingil ng US$ 15 bilang service fee samantalang ang magpapadala ng mas malalaking halaga ay pareho din ang binabayaran.

Kung noong mga nakalipas na taon ay umasa ang maraming mga OFW ng pagpapadala ng kanilang kita sa pamamagitan ng mga kamaag-anak at kaibigan, unti-unting nagbabagong-anyo ang pagpapadala ng salapi sa Pilipinas at idinadaan na sa mga bangko. Marami na ring balitang lumabas na hindi nakarating ang mga salaping ipinakisuyo sa mga kabigan at kamag-anak. Mas marami na ngayon ang gumagamit ng mga bangko at iba pang money transfer facilities.

Bagama't mas maraming Filipino sa Hong Kong, mas mataas ang ipinadadalang salapi ng mga Filipino sa Taiwan. Ipinaliwanag ni G., Guinigundo na ang karamihan sa nagtatrabaho sa Hong Kong ay nasa mga tahanan samantalang ang mga nasa Taiwan ay nasa mga pabrika na mas mataas ang pasahod.

Ipinaliwanag pa ni G. Guinigundo na nasa Estados Unidos at Europa ang mga propesyunal, mga manggagamot, narses at caregivers samantalang may mga abogado at iba pang propesyunal sa Singapore.

Sa tanong kung anong magaganap sa ekonomiya ng bansa kung hindi magpapadala ng salapi ang milyon-milyong manggagawang Filipino pabalik sa bansa, sinabi ni G. Guinigundo na nangibang-bansa ang mga Filipino upang mai-angat ang kanilang mga kamag-anak at mahal sa buhay mula sa kahirapan sa Pilipinas. Bagaman, mayroong banta ang mga OFW noon na hindi magpadala ng salapi subalit hindi naganap sapagkat higit na mahihirapan ang kanilang mga mahal sa buhay.

Kung sakaling hindi magpadala ang mga Filipino, na hindi naman magaganap, malaking dagok ito sa ekonomiya sapagkat mula 8, 9 hanggang 10% ng Gross Domestic Product ay nagmumula sa foreign remittances at makaka-apekto sa balance of payments ng bansa.

May Kinalamang Babasahin
Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>