|
||||||||
|
||
Lumahok at nagtalumpati kahapon sa Ikalawang Porum ng mga Presidente ng Pamantasan ng Tsina at Amerika si Liu Yandong, pangalawang premyer Tsino.
Sa kanyang talumpati, sinabi ni Liu na ang mga pamantasan ay nangunguna sa people-to-people exchanges ng dalawang bansa at tagapagpasulong din ang mga ito sa panlahat na relasyong Sino-Amerikano.
Binalik-tanaw ni Liu ang ibinigay na ambag ng mga iskolar na Tsino at Amerikano sa pagpapasulong ng relasyon ng dalawang bansa. Halimbawa, noong unang dako ng 1970s, dahil sa mungkahi ng mga iskolar mula sa ilang pamantasang Amerikano, isinaayos ni dating Pangulong Richard Nixon ang pambansang patakaran sa Tsina. Nakatulong ito sa pagtatatag ng relasyong diplomatiko ng dalawang bansa. Noong 1978, 10 araw pagkaraang ipalabas ng Tsina at Amerika ang Komunike ng Pagtatatag ng Relasyong Diplomatiko, ang unang batch ng 52 estudyanteng Tsino ang dumating ng New York sapul nang itatag ang Republiko ng Bayan ng Tsina noong 1949. Isinalaysay rin ni Liu na sapul nang isagawa ng Tsina ang reporma at pagbubukas sa labas sa huling dako ng 1970s, hanggang sa kasalukuyan, umabot sa 3.5 milyong Tsino na nag-aral sa ibayong dagat, at kalahati nito ay nag-aral sa Amerika.
Inisa-isa rin ni Pangalawang Premyer Liu ang mga natamong bunga sa pagpapalitan sa pagitan ng mga pamantasan ng Tsina at Amerika nitong ilang taong nakalipas. Halimbawa, ayon sa pinakahuling datos, lumampas sa 1,100 ang kooperatibong proyektong pang-edukasyon sa pagitan ng mga pamantasan ng dalawang bansa, at 1/3 ng mga ito ay itinatag nitong tatlong taong nakalipas.
Ipinagdiinan ni Liu na ipinakikita ng mga ito na lumalalim nang lumalalim ang pagpapalitan at pagtutulungan ng mga unibersidad ng Tsina at Amerika. Idinagdag niyang masasabing huwaran ang mga ito ng pagpapalitan at pagtutulungan ng dalawang bansa.
Salin: Jade
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |