|
||||||||
|
||
BAGAMA'T naibaba na ang lahat ng storm signals dala ng Tropical Storm na si "Egay" sa kanyang pag-alis ng Pilipinas kaninang umaga, nagbabala naman ang PAGASA, ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Admiistration ng flashfloods at landslides sa Zambales, Bataan, Pangasinan, Benguet at Ilocos Region dala ng hanging habagat o southwest monsoon.
Kaninang ikawalo ng umaga, nakita si "Egay" na 320 kilometro sa kanluran-timog-kanluran ng Basco, batanes. Ang hilagang Luzon ang pinaka-apektado ng sama ng panahon.
Nakataas ang "yellow rainfall warning" sa Zambales at Tarlac. Baka bumaha sa mabababang bahagi ng mga lalawigang ito dala ng ulang mula 7.5 hanggang 145 millimetro bawat oras sa susunod na tatlong oras.
Pinayuhan din ang mga mangingisda at may may bangkang maliliit na umiwas sa karagatan ng hilagang Luzon at sa kanlurang bahagi ng Central Luzon.
Inaasahang papasok sa Philippine Area of Responsibility ngayong gabi o bukas si Chan-Hom. Sa oras na makapasok siya sa sakop ng Pilipinas, papangalanan siyang "Falcon". May 1,700 kilometro sa silangan ng Luzon at kumikilos ng 20 kilometro bawat oras.
May lakas itong 120 kilometro bawat oras at pagbugso ng 150 kilometro bawat oras. May posibilidad pa itong maging isang super-typhoon.
Ayon sa mga tauhan ng PAGASA, kahit hindi tumama sa lupa si "Falcon", mapalalakas nito ang hanging habagat at mangangahulugan ng mas matinding ulan sa kanlurang bahagi ng bansa, kabilang na ang Metro Manila.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |