KUALA LUMPUR, Malaysia--Kinumpirma ngayong madaling araw ni Punong Ministro Najib Razak ng Malaysia na ang labing natagpuan sa Reunion Island sa Indian Ocean noong katapusan ng nagdaang Hulyo ay bahagi ng nawawalang Flight MH370 ng Malaysia Airlines.
Kaugnay nito, ipinahayag ni Wang Yi, dumadalaw na Ministrong Panlabas ng Tsina ang mungkahing ipaalam kaagad ng Malaysia ang pinakahuling impormasyon sa mga kamag-anak ng mga pasahero at tauhan ng bumagsak na eroplano. Ipinagdiinan din niyang sa paghawak sa isyung ito, dapat ipauna ang damdamin ng mga kamag-anakan at maunawaan ang pagdurusa nila. Hiniling din niya sa Malaysia, kasama ang Tsina, Australia at iba pang may kinalamang panig, na ipagpatuloy ang paghahanap at ganap na imbestigahan ang trahedyang ito.
Isang piraso ng labi ng bumagsak na MH370 ang natagpuan ng residenteng lokal sa Reunion Island noong ika-29 ng nagdaang Hulyo.
Ang Boeing 777-200 aircraft ng Malaysia Airlines ay lumisan ng Kuala Lumpur International Airport alas- dose kuwarenta'y uno (12:41) ng hatinggabi noong ika-8 ng Marso (Beijing/Manila time), 2014. Nakaiskedyul itong dumating ng Beijing alas-6:30 ng umaga nang araw ring iyon. Pagkaraan ng halos dalawang oras na paglipad, nawalan ito ng kontak sa air traffic control, habang lumilipad sa Ho Chi Minh City, Biyetnam.
Isang daa't limampu't apat (154) sa dalawang daa't tatlumpu't siyam (239) na pasahero ng nawawalang eroplano ay mga mamamayang Tsino.
Salin: Jade