|
||||||||
|
||
ISANG taon matapos Makita ang dumadaloy na kumukulong putik mula sa bibig ng bulkang Mayon sa Albay, nanahimik na ito kaya't ibinaba na ang Alert Level mula sa bilang na 2 at ngayo'y na sa bilang na 1 na lamang.
Isinailalim ang Mayon sa Alert Level 3 noong Setyembre ng 2014 ng yumanig ito at kakitaan ng nagbabagang mga batong gumugulong sa dalisdis ng bundok. Noong nakalipas na Disyembre, ibinaba na ito sa Alert Level 2. Kanina, napunang pababa na ang volcanic activity nito kaya't ibinaba na ang alert level.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology, wala nang kakaibang pagkilos ang bulkan sa nakalipas na anim na buwan. Wala na ring low frequency earthquakes na may koneksyon sa pagkilos ng kumukulong putok at volcanic gas na naitala.
Sa ibang pamantayan, wala nang nakitang kakaibang kilos ang bulkan. Walang anumang magaganap na pagsabog sa madaling panahon subalit kung magbabago ang lagay ng bulkan, maaaring itaas na muli ang alert level nito.
Bawal pa ring manirahan sa permanent danger zone na anim na kilometro mula sa bibig ng 2,462 metrong bulkan. Pinayuhan na rin ang mga naninirahan sa mga dinadaluyan ng tubig na umiwas sa biglang pagbaha na may dalang bato at putik lalo na ngayong tag-ulan.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |