SINABI ni Justice Secretary Leila de Lima na ang mapupiting kabilang sa Special Action Force na napaslang sa Mamasapano ay maaaring napagkamalang mga Americano o caucasian. Magugunitang napaslang ang mga pulis sa pagtatangkang madakip at malitis si Zulkifli Bin Hir na kilala sa pangalang Marwan noong ika-25 ng Enero sa Maguindanao.
Ayon sa ulat ng Special Investigation Team ng mga kabilang sa National Prosecution Service at National Bureau of Investigation, walang mga Americano o Caucasian na napaslang sa insidente. Mayroon umanong SAF commandos na mapuputi at maaaring napagkamalan lamang sila. Inihalimbawa si Police Senior Inspector Gednat G. Tabdi, PO3 Noel Gocolan at PO1 Romero C. Cempron.
Ipinaliwanag pa ni Secretary de Lima sa isang press conference kanina na malaki ang posibilidad na napagkamalan ang mga napaslang na kasapi ng SAF na mga Americano.