Ipinadala ngayong araw ni Xi Jinping, Pangkalahatang Kalihim ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina (CPC), ang mensahe kay Kim Jong-un, Unang Kalihim ng Korean Workers Party bilang pagbati sa ika-70 anibersaryo ng pagkakatatag ng partidong ito.
Sa mensahe, sinabi ni Xi na nitong ilang taong nakalipas, sa pamumuno ni Kim Jong-un, natamo ng Korean Workers Party at mga mamamayang Hilagang Koreano ang positibong progreso sa mga aspektong gaya ng pagpapaunlad ng kabuhayan, at pagpapabuti ng pamumuhay ng mga mamamayan. Ipinahayag din ng Pangulong Tsino ang taos-pusong pag-asang sa pamumuno ng Korean Workers Party na pinamumunuan ni Kim Jong-un, walang humpay na matatamo ng mga mamamayang Hilagang Koreano ang mas malaking progreso sa usapin ng konstruksyon ng sosyalismo.
Dagdag pa ni Xi, nakahanda ang Tsina na magsikap kasama ng Hilagang Korea, para mainam na mapangalagaan, mapatibay, at mapaunlad ang relasyon ng dalawang bansa, at mapatingkad ang konstruktibong papel sa pangangalaga sa kapayapaan at katatagan ng rehiyon at buong daigdig.
Salin: Li Feng