|
||||||||
|
||
Kaugnay ng pagtatagpo kamakailan nina Xi Jinping at Ma Ying-jeou, nagpalabas ng pahayag si Zhang Zhijun, Puno ng Opisina sa mga Suliranin ng Taiwan ng Konseho ng Estado, Gabinete ng Tsina para mabigyan ng makasaysayang katuturan ang nasabing pagtatagpo.
Ayon sa Pahayag, bilang unang pagtatagpo ng mga lider ng magkabilang pampang ng Taiwan Strait nitong 66 taong nakalipas, sapul noong 1949, nakalikha ito ng makasaysayang pahina sa relasyon ng magkabilang pampang.
Nasasaad din sa Pahayag na ang nasabing pagtatagpo ay nagpatibay at nagpalalim sa pundasyong pulitikal ng mapayapang pag-unlad ng relasyon ng magkabilang pampang. Kapuwa ipinahayag nina Xi at Ma ang pananangan sa 1992 Consensus na nagbibigay-diin sa paggigiit sa patakarang "Isang Tsina," at ang relasyon ng magkabilang pampang ay relasyong panloob ng isang bansa.
Anang Pahayag, pinagtibay rin ang pagtatagpo nina Xi at Ma ang paniniwala ng kapuwa panig sa pagtahak sa landas ng mapayapang pag-unlad. Sinipi ng Pahayag ang paninindigan ni Xi na ayon sa kasaysayan ng relasyon ng magkabilang pampang, kung may kaligaligan sa bilateral na relasyon, mabibiktima ang magkakababayan, at kung tatahak sa landas ng mapayapang pag-unlad, matatamo ng magkabilang panig ang win-win na resulta.
Ayon sa Pahayag, sa kanilang pagtatagpo, ipinahayag din nina Xi at Ma ang resolusyon at ipinalabas din ang mga konkretong hakbangin para mapalawak ang pagpapalitan at pagtutulungan ng magkabilang pampang sa iba't ibang larangang gaya ng kabuhayan, kultura at lipunan. Sa gayon, mapapasulong ang kapakanan ng magkakababayan ng magkabilang pampang.
Ipinagdiinan din ng Pahayag na ang pagtatagpo ng mga lider ng magkabilang pampang ay nagpapasigla rin ng lakas at pagkakaisa ng magkakababayan para maisakatuparan ang kasaganaan ng Nasyong Tsino.
Idinagdag pa ng Pahayag na ang pagtatagpo nina Xi at Ma ay nagpapakita ng talino at kakayahan ng magkakababayan ng magkabilang pampang sa paglutas sa isyung panloob, at sa pamamagitan nito, makakapag-ambag para sa katatagan at kapayapaang panrehiyon at pandaigdig.
Mababasa rin sa Pahayag na sa kabila ng mga isyung hindi pa nalulutas sa pagitan ng magkabilang pampang, mahahanap ang kalutasan sa pamamagitan ng diyalogo at pantay na pagsasanggunian, batay sa patakarang "Isang Tsina," alang-alang sa panlahat na interes ng Nasyong Tsino.
Tagapagsalin/Tagapag-edit: Jade
Tagapagpulido: Rhio
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |