|
||||||||
|
||
Pagpapasulong sa Komprehensibong Pag-unlad ng Kababaihan, Pagtatatag at Pagtatamasa ng Mas Magandang Daigdig
-Talumpati sa Global Leaders' Meeting on Gender Equality and Women's Empowerment
Xi Jinping, Pangulo ng Republika ng Bayan ng Tsina
Ika-27 ng Setyembre, 2015, New York
Kagalang-galang na Pangkalahatang Kalihim Ban Ki-Moon,
Kagalang-galang na Executive Director Phumzile Mlambo-Ngcuka,
Mga giliw na kasamahan,
Mga kababaihan at kaginoohan,
Mga kaibigan,
Sa okasyon ng ika-70 anibersaryo ng pagkakatatag ng United Nations (UN), at ika-20 anibersaryo ng Ika-4 na World Conference on Women sa Beijing, mahalaga ang katuturan ng pagdaraos natin ng Global Leaders' Meeting, para ulitin ang pangako sa pagpapasulong ng pagkakapantay ng kasarian at kaunlaran ng kababaihan, at hanapin ang mas magandang kinabukasan.
Ang kababaihan ay tagapaglikha ng yamang materiyal at spirituwal. Sila rin ang mahalagang puwersa ng pagpapasulong sa kaunlaran at progreso ng lipunan. Kung walang kababaihan, walang sangkatauhan, at walang lipunan.
Dakila ang usapin ng paghahanap ng pagkakapantay ng kasarian. Kung titingnan ang kasaysayan, makikitang kung walang liberasyon at progreso ng kababaihan, di-magaganap ang liberasyon at progreso ng sangkatauhan. Di-maalwan at di-pangkaraniwan ang karanasan ng sangkatauhan para maisakatuparan ang marangal na mithiin ng pagkakapantay ng kasarian. Nakapagpasulong sa progreso ng sibilisasyon ng sangkatauhan ang bawat hakbang ng pag-unlad ng usapin ng kababaihan na gaya ng pagsasapubliko ng Declaration of the Rights of Woman (1791), unang deklarasyon hinggil sa karapatan ng kababaihan mahigit 200 taon na ang nakaraan, pagtatayo ng International Women's Day tuwing ika-8 ng Marso, pagtatatag ng UN Commission on the Status of Women, at pagpapatibay ng Convention on the Elimination of All Forms of Discrimination Against Women.
20 taon na ang nakararaan, pinagtibay sa Ika-4 na World Conference on Women sa Beijing ang Deklarasyon ng Beijing at Plataporma ng Aksyon. Narating sa pulong ang estratehikong target at balangkas na pampatakaran sa pagpapasulong sa pagkakapantay ng kasarian at paggarantiya sa karapatan ng kababaihan. Sa kasalukuyan, ang diwa ng World Conference on Women sa Beijing ay nagbunsod ng positibong pagbabago sa buong mundo. Lumalakas nang lumalakas ang komong palagay ng iba't ibang bansa sa paghahanap ng pagkakapantay ng kasarian, nagiging mas malawak ang saklaw ng aksyon ng pagpapasulong sa pag-unlad ng kababaihan, at walang humpay na bumubuti ang kapaligiran ng buhay at kaunlaran ng kababaihan. Karapat-dapat na bigyan ng lubos na pagpapahalaga ang UN Women dahil sa napakaraming gawain nito.
Salamat sa walang humpay na pagsisikap, naisakatuparan na ang maraming di-maaabot na pangarap noong nakaraan: malinaw na inilakip ng 143 bansa sa buong mundo ang pagkakapantay ng kasarian sa batas, at walang hadlang na pambatas ang pakikisangkot ng kababaihan sa mga aktibidad na pampulitika at pangkabuhayan. Naging komong palagay ng lipunan ang pagtanggap ng kababaihan ng edukasyon, kalayaan para makapag-asawa, kalayaan ng paghahanap-buhay at iba pa.
Samantala, sa iba't ibang bansa at rehiyon, nananatili pa ring di-balanse ang lebel ng pag-unlad ng kababaihan, di-pantay pa rin ang karapatan, pagkakataon, at distribusyon ng yaman sa pagitan ng mga lalaki at babae, at di-lubos ang pagkaunawa ng lipunan sa potensyal, talento at ambag ng kababaihan. Sa kasalukuyan, kabilang sa 800 milyong mahihirap na populasyon sa buong daigdig, lampas sa kalahati ay kababaihan. Pinakaapektado sila kapag may digmaan at epidemiya, at malimit silang nagtitiis sa terorismo at karahasan. Hanggang sa kasalukuyan, nangingibabaw pa rin ang iba't ibang porma ng diskriminasyon sa kababaihan, at madalas na nagaganap ang pang-aabuso at malupit na pagpapasunod sa kababaihan.
Ipinakikita ng katotohanan na napakalaking pagsisikap ang kinakailangan pa rin para maisakatuparan ang pagkakapantay ng kasarian. Dapat walang humpay na magpunyagi tayo, upang lumikha ng malawakang landas sa usapin ng kababaihan.
Mga kababaihan at kaginoohan,
Mga kaibigan,
Matapos nating pagtibayin ang Post-2015 Development Agenda, inilakip na sa iba't ibang larangan ng bagong development agenda ang anggulo ng kasarian. Palalaganapin natin ang diwa ng World Conference on Women sa Beijing, uulitin natin ang pangako, at pabibilisin ang aksyon para mapasulong ang pagkakapantay ng kasarian at komprehensibong pag-unlad ng kababaihan.
Una, dapat nating pasulungin ang magkasabay na pag-unlad ng kababaihan at kabuhaya't lipunan. Hindi mangyayari ang kaunlaran kung walang kababaihan, at ang kaunlaran ay dapat pakinabangan ng lahat ng mga mamamayan na kinabibilangan ng kababaihan. Dapat nating itakda ang mas siyentipiko at makatwirang estratehiyang pangkaunlaran. Dapat isaalang-alang ang kalagayan ng iba't ibang bansa, pagkakaiba ng kasarian at espesyal na pangangailangan ng kababaihan, para maigarantiyang pantay-pantay na magtamasa ang kababaihan ng bunga ng pag-unlad, samantalang gumawa ng inobasyon sa patakaran at paraan, upang mapasigla ang potensyal ng kababaihan, at mapasulong ang pagsali ng mga kababaihan sa pag-unlad ng kabuhayan at lipunan. Napapatunayan ng karanasan ng Tsina na ang pagpapasulong sa pagsali ng kababaihan sa mga aktibidad na pangkabuhayan at panlipunan ay hindi lamang mabisang makakapagpataas ng katayuan ng kababaihan, kundi malaking makakapagpataas din ng produktibong lakas ng lipunan at kasiglahan ng kabuhayan.
Ika-2, dapat aktibo nating igarantiya ang karapatan at kapakanan ng kababaihan. Ang karapatan at kapakanan ng kababaihan ay saligang karapatang pantao. Dapat nating ilakip sa batas at regulasyon ang sistema ng pangangalaga sa karapatan at kapakanan ng kababaihan, at ituring itong mithiin ng bansa at norma ng aksyong panlipunan. Dapat palakasin ang kakayahan ng kababaihan sa pakikisangkot sa mga aktibidad na pampulitika at pangkabuhayan, at pataasin ang lebel ng pagsali ng kababaihan sa paggawa ng kapasiyahan at pangangasiwa, para magsilbi silang lider ng sirkulong pulitikal, komersiyal at akademiko. Dapat igarantiya ang pundamental na serbisyong medikal at pangkalusugan sa kababaihan, lalong lalo na, pag-ukulan ng pansin ang pangangailangang pangkalusugan ng mga kababaihan sa kanayunan, kababaihang may kapansanan, migranteng kababaihan, kababaihang nasa kalagitnaang-katandaan at may edad na kababaihan, at katutubong kababaihan. Dapat nating siguruhin na ang mga paaralan ay abot-kaya at ligtas para sa mga batang babae, paunlarin ang vocational education at edukasyong panghabambuhay na nakakatuon sa kababaihan, para tulungan silang umangkop sa pagbabago ng lipunan at pamilihan ng hanap-buhay.
Ika-3, dapat masipag na patatagin ang inklusibo't may harmonyang kulturang panlipunan. Nasa iisang mundo ang mga babae at lalaki. Ang pagpapawi ng diskriminasyon at pagkiling sa kababaihan ay makakatulong sa pagiging mas inklusibo at mas masigla ng lipunan. Dapat natin masipag na pawiin ang lahat ng mga porma ng karahasan sa kababaihan na kinabibilangan ng karahasan sa pamilya. Dapat gawing nukleo ang pagkakapantay ng kasarian, at sirain ang mga atrasadong kamalayan at matatandang regulasyom at kaugalian na humahadlang sa pag-unlad ng kababaihan. Hinahangaan ko ang "He for She" Initiative na iniharap ni Pangkalahatang Kalihim Ban Ki-Moon ng UN, at umaasang makikisangkot dito ang mas maraming lalaki.
Ika-4, dapat likhain ang kapaligirang pandaigdig na makakabuti sa pag-unlad ng kababaihan. Ang kababaihan at kabataan ang pinakagrabeng naaapektuhan kapag may pagbabago sa lagay ng kapayapaan at kaligtasan. Dapat buong tatag nating igiit ang ideya ng mapayapang pag-unlad at kooperasyong may win-win situation, mas pakamahalin ang kapayapaan at aktibong pangalagaan ang kapayapaan, upang makalikha ng isang maligaya at matatag na kapaligiran para sa lahat ng mga babae at bata.
Dapat palakasin ng mga organisasyon ng kababaihan ng iba't ibang bansa ang pagpapalitan, at pahigpitin ang pagkakaibigan, para hanapin ang komong kaunlaran at progreso. Dapat patuloy na isagawa ang pandaigdigang kooperasyong pangkaunlaran sa larangan ng kababaihan. Dapat pag-ibayuhin ng mga maunlad na bansa ang pagbibigay ng tulong ng pondo at teknolohiya sa mga umuunlad na bansa, para mapaliit ang agwat ng pag-unlad ng kababaihan ng iba't ibang bansa.
Mga kababaihan at kaginoohan,
Mga kaibigan,
Sa proseso ng paghahanap ng mga mamamayang Tsino ng magandang pamumuhay, may pagkakataon ang bawat babae na magpatingkad ng sariling kagalingan at magsakatuparan ng sariling pangarap. Mas aktibong ipapatupad ng Tsina ang pundamental na patakaran ng estado sa pagkakapantay ng kasarian, patitingkarin ang papel ng kababaihan bilang "kalahati ng kalangitan," kakatigan silang magsakatuparan ng pangarap at ambisyon, sa trabaho man o sa pamumuhay. Walang humpay na pasusulungin naman ng mga kababaihang Tsino ang pag-unlad ng pandaigdigang kilusan ng kababaihan, sa pamamagitan ng sariling pag-unlad, upang gumawa ng mas malaking ambag sa usapin ng pagkakapantay ng kasarian sa buong mundo.
Upang katigan ang pandaigdigang usapin ng kababaihan at mga gawain ng UN Women, mag-aabuloy ang Tsina ng 10 milyong dolyares na pondo sa UN Women para ipatupad ang Deklarasyon ng Beijing at Plataporma ng Aksyon, at isakatuparan ang mga kinauukulang target sa Post-2015 Development Agenda. Sa loob ng darating na 5 taon, tutulungan ng Tsina ang mga umuunlad na bansa na isagawa ang 100 "proyekto ng kalusugan ng kababaihan at kabataan," at ipapadala ang mga grupo ng dalubhasang medikal para magkaloob ng serbisyo. Isasagawa rin ang 100 "proyekto ng maligayang paaralan," at ipagkakaloob ng tulong na pondo sa pagtanggap ng edukasyon ng mahihirap na batang babae, para mapataas ang school enrollment rate ng mga batang babae. Aanyayahan din ng Tsina ang 30 libong kababaihan mula sa mga umuunlad na bansa na dumalo sa pagsasanay sa Tsina, at bibigyan ng propesyonal na pagsasanay ang 100 libong kababaihan sa lokalidad ng mga umuunlad na bansa. Sa ilalim ng mga kinauukulang pondo na magkasamang itinayo ng Tsina at UN, isasagawa ang mga espesyal na proyekto ng pagkatig sa konstruksyon ng kakayahan ng kababaihan sa mga umuunlad na bansa.
Mga kababaihan at kaginoohan,
Mga kaibigan,
Magkapit-bisig at magpunyagi tayo, at mabilis na kumilos para magkasamang itatag ang isang mas magandang daigdig para sa lahat ng mga kababaihan at lahat ng mga mamamayan!
Binabati ko ang pagtatagumpay ng Global Leaders' Meeting.
Maraming maraming salamat sa inyong lahat.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |