|
|
|||||||
| |
||||||||
|
||
Sa taong 2015, naganap sa Timog Silangang Asya ang maraming pangyayaring nakatawag ng malawakang pansin ng rehiyon at buong daigdig. Ang mga ito ay sumusunod:
Una, yumao si Lee Kuan Yew, dating Punong Ministro ng Singapore.
Noong Marso 23, 2015, yumao si Lee Kuan Yew, dating Punong Ministro ng Singapore, sa edad na 91. Noong Marso 29, idinaos ng Singapore ang libing-pang-estado para kay Lee Kuan Yew.
Ikalawa, idinaos ng Indonesia ang Pulong ng mga Lider ng Asya at Aprika, at aktibidad bilang paggunita sa ika-60 anibersaryo ng Bandung Conference.
Mula noong ika-22 hanggang ika-23 ng Abril, 2015, magkasunod na ginanap sa Jakarta at Bandung ang Pulong ng mga Lider ng Asya at Aprika, at aktibidad bilang paggunita sa ika-60 anibersaryo ng Bandung Conference. Dumalo sa pulong ang mga lider o kinatawan mula sa halos 100 bansa at organisasyong pandaigdig. Sa pulong, nanawagan si Pangulong Joko Widodo ng Indonesia, sa mga bansang Asyano at Aprikano na patuloy na magkaisa para mapasulong ang pagtatatag ng pantay at makatarungang bagong kaayusan ng kabuhayang pandaigdig at pagsasaayos ng buong daigdig. Nanawagan din siya na bigyan ng bagong nilalaman ang "Diwa ng Bandung" na kinabibilangan ng pagpawi ng karalitaan, pagpapalakas ng kooperasyong pangkabuhayan sa Asya at Aprika, magkakasamang pagharap sa mga hamong gaya ng karahasan, sagupaan, at ekstrimismo, at iba pa.
Ikatlo, nanawagan ang United Nations sa mga may-kinalamang bansang Timog Silangang Asyano na pahintulutan ang pagbaba sa lupa ng mga stowaways at refugees.
Noong ika-17 Mayo, 2015, sa pamamagitan ng kanyang tagapagsalita, ipinalabas ni Pangkalahatang Kalihim Ban Ki-moon ng UN ang isang pahayag na nagbahagi ng kanyang pagkabahala sa maraming stowaways at refugees na nastranded sa karagatan ng Andaman Sea at Strait of Malacca. Nanawagan din siya sa mga may-kinalamang bansang Timog Silangang Asyano na pahintulutan ang kanilang pagbaba sa lupa. Noong ika-20 ng Mayo, magkasunod na ipinalabas ng mga Ministrong Panlabas ng Malaysia, Thailand, at Indonesia ang pahayag kung saan nangako silang magkakaloob ng makataong tulong sa 7,000 refugees sa dagat. Noong ika-29 ng Mayo, nagpulong ang 17 bansang kinabibilangan ng naturang mga bansa, bunga nito'y pansamantalang ini-relocate ang mga stowaways at refugees.
Ikaapat, lumaki ang lugar na apektado ng haze mula Indonesia.
Dahil sa paglawak ng nasunog na kagubatan sa Riau islands, sa taong 2015, ang haze mula sa Indonesia ay hindi lamang grabeng nakaapekto sa Indonesia, Malaysia, at Singapore, kundi maging sa Thailand, Pilipinas, at Biyetnam. Noong ika-22 ng Nobyembre, 2015, sa ASEAN Summit, nagkaroon ang mga lider ng ASEAN ng konstruktibong talakayan tungkol sa isyu ng haze.
Ikalima, isinagawa ng Pangkalahatang Kalihim ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Biyetnam ang kauna-unahang biyahe sa Amerika.
Noong ika-7 ng Hulyo, 2015, nag-usap sa White House sina Pangulong Barack Obama ng Estados Unidos at Pangkalahatang Kalihim Nguyen Phu Trong ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Biyetnam (CPV). Bilang unang Pangkalahatang Kalihim ng Komite Sentral ng CPV na opisyal na dumalaw sa Amerika pagkaraang maitatag ang relasyong diplomatiko ng dalawang bansa, ang nasabing biyahe ni Nguyen Phu Trong sa Amerika ay bahagi ng paggunita ng ika-40 anibersaryo ng pagtatapos ng digmaan ng Biyetnam laban sa Amerika, at ika-20 anibersaryo ng pagkakatatag ng relasyong diplomatiko ng dalawang bansa. Ipinakita ng nasabing biyahe ang unti-unting pagsasaayos ng mataas na antas ng dalawang bansa sa kanilang estratehiyang pang-estado.
Ikaanim, iniharap ng Tsina ang tatlong mungkahi tungkol sa pangangalaga sa kapayapaan at katatagan ng South China Sea.
Sa Pulong ng mga Ministrong Panlabas ng Tsina at ASEAN, iniharap noong ika-8 ng Agosto, 2015, ni Ministrong Panlabas Wang Yi ng Tsina ang tatlong mungkahi tungkol sa pangangalaga sa kapayapaan at katatagan ng South China Sea (SCS). Una, dapat ipangako ng mga bansa sa rehiyon ng SCS na komprehensibo at mabisang tupdin ang "Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea," at pabilisin ang pagsasanggunian sa "Code of Conduct on South China Sea," at dapat ding aktibong talakayin ang mga hakbangin ng pagkontrol sa panganib sa dagat; Ikalawa, dapat ipangako ng mga bansa sa labas ng rehiyong ito na katigan ang ganitong pagsisikap ng mga bansa sa rehiyong ito, at hindi isagawa ang anumang aksyong hahantong sa paglala at pagsalimuot ng situwasyon sa rehiyon; Ikatlo, dapat ipangako ng iba't-ibang bansa na batay sa pandaigdigang batas, isagawa at pangalagaan ang kalayaan ng paglalayag at paglilipad sa SCS.
Ikapito, natapos ang talastasan ng apat na bansang ASEAN tungkol sa Trans-Pacific Partnership Agreement (TPP).
Noong ika-5 ng Oktubre, 2015, sa talastasan tungkol sa Trans-Pacific Partnership Agreement (TPP), narating ng mga kalahok na bansa ang kasunduan. Sinang-ayunan ng 12 bansang gaya ng Singapore, Brunei, Malaysia, at Biyetnam, na ibaba nang malaki ang kanilang barrier sa pamumuhunan at kalakalan, at tiyakin ang bagong tadhanang komersyal. Sa kasalukuyan, ang TPP ay isa sa mga mahalagang kasunduan ng malayang kalakalan sa rehiyong Asya-Pasipiko. Pagkaraang magkaroon ng kasunduan, nagpahayag din ang Indonesia at Pilipinas ng intensyong sumapi rito.
Ikawalo, nagwagi ang National League for Democracy ng Myanmar sa pambansang halalan.
Noong ika-8 ng Nobyembre, 2015, idinaos ang pambansang halalan ng Myanmar. Ayon sa resultang isinapubliko noong ika-20 ng Nobyembre ng Komisyong Elektoral ng bansang ito, nagwagi ang National League for Democracy (NLD) na pinamumunuan ni Aung San Su Kyi, sa halalang ito. Idaraos ng bagong parliamentong pederal ng Myanmar ang kauna-unahang pulong sa katapusan ng Enero, 2016, at ihahalal ang bagong pangulo at pangalawang pangulo ng bansa sa Pebrero, 2016.
Ikasiyam, itinaguyod ng Pilipinas ang APEC Summit.
Mula noong ika-18 hanggang ika-19 ng Nomyembre, 2015, ginanap sa Manila, Pilipinas, ang Di-pormal na Pulong ng mga Lider ng Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC). Sapul noong taong 1996, ito ang ikalawang beses na pagtataguyod ng Pilipinas ng naturang pulong. Nagpokus ang pulong sa kooperasyong pangkabuhayan sa rehiyong Asya-Pasipiko, at inulit ng mga kalahok ang pangako na magkakasamang magsisikap para maitatag ang bukas na ekonomiya sa rehiyong Asya-Pasipiko.
Ikasampu, opisyal na naitatag ang komunidad ng ASEAN.
Noong ika-31 ng Disyembre, 2015, opisyal na naitatag ang komunidad ng ASEAN na binubuo ng tatlong haligi na kinabibilangan ng komunidad ng seguridad ng pulitika, komunidad ng kabuhayan, at komunidad ng kulturang panlipunan. Nitong 48 taong nakalipas sapul nang maitatag ang ASEAN, ito ang historikal na turning point nito. Sa proseso ng integrasyon ng Asya, ito ay may makasaysayan at malalim na kabuluhan.
Salin: Li Feng
| © China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |