Ayon sa Xinhua News Agency, kinatagpo sa Phnom Penh kahapon, Enero 26, 2016, ni Hun Sen, Punong Ministro ng Cambodia, si John Kerry, dumadalaw na Kalihim ng Estado ng Estados Unidos. Nagpalitan ng kuru-kuro ang dalawang panig tungkol sa bilateral na relasyon at mga isyung panrehiyon.
Sa pagtatagpo, sinabi ni Hun Sen na hinahangaan niya ang kooperasyon ng dalawang bansa sa aspekto ng paglaban sa terorismo. Ipinagdiinan din niya ang kahalagahan ng pagpapasulong ng kalakalan ng dalawang bansa.
Ipinahayag naman ni Kerry na ang layon ng kanyang biyaheng ito ay hindi lamang gumawa ng paghahanda para sa gaganaping Espesyal na Summit ng Amerika at ASEAN, kundi pasulungin ang kooperasyon ng dalawang bansa.
Nang mabanggit ang isyu ng South China Sea, ipinahayag ni Hun Sen na dapat komprehensibong isakatuparan ng mga may-kinalamang panig ang "Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea."
Salin: Li Feng