|
||||||||
|
||
NANINDIGAN si dating Foreign Affairs Secretary Albert F. del Rosario na maganda ang relasyong namamagitan sa Pilipinas at Estados Unidos at maging sa Tsina.
Ito ang bahagi ng kanyang talumpati sa isang testimonial lunch sa kanyang karangalan na pinangasiwaan ng Makati Business Club at iba't ibang mga samahan ng mga mangangalakal at mga propesyunal na idinaos sa Fairmont Hotel. Kabilang sa mga dumalo ang mga kasapi ng diplomatic corps sa pamumuno ni Arsobispo Guiseppe Pinto ng Apostolic Nunciature to the Philippines.
Ayon sa mga nagsalitang kinikilalang mga mangangalakal, isa sa mga magandang nagawa ni G. del Rosario ang pagbabalik ng propesyunalismo sa Department of Foreign Affairs sa pamamagitan ng pagbabawas ng mga political appointees na naglilingkod bilang mga ambassador.
Sinabi ni G. del Rosario na matatag ang relasyong namamagitan sa Estados Unidos tulad ng pahayag ni Pangulong Barack Obama noong mag-usap sila ng Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III na nananatili ang "iron clad defense mechanism" para sa Pilipinas, pagkakaroon ng mas mainit na kalakalan, marubdob na relasyon ng mga mamamayan ng America at Pilipinas, at malaking overseas development assistance para sa pagpapa-unlad ng bansa.
Magpapatuloy ang pagtutulungan ng Pilipinas at America sa pamamagitan ng Enhanced Defence Cooperation Agreement.
Sa larangan ng relasyon ng Pilipinas at Tsina, sinabi ni G. del Rosario na sa pagdiriwang ng ika-40 taon ng diplomatic relations noong 2015, kinikilala ng Pilipinas ang mahalagang papel ng Tsina sa daigdig at ng kaunlaran nito sa larangan ng ekonomiya. Kinikilala ng Pilipinas ang mahalagang pag-unlad ng mayamang bansa hindi lamang sa Asia-Pacific kungdi sa buong daigdig.
Hindi nakasalalay ang relasyong namamagitan sa dalawang bansa sa mga 'di pagkakaunawaan hinggil sa South China Sea sapagkat matatag ang bilateral relations sa paglipas ng mga taon. Patuloy na lumalago ang kalakalan sa pagitan ng dalawang bansa na umabot sa US$18 bilyon noong 2014. Noong 2013, ani G. del Rosario, dumalaw ang may 400,000 mga Tsino sa Pilipinas samantalang halos isang milyong mga Filipino ang dumalaw sa Tsina.
Mas malaki ang kalakal ng mga Filipino sa Tsina kaysa ng mga Tsinong mangangalakal sa Pilipinas, dagdag pa ni G. del Rosario.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |