|
||||||||
|
||
MAAYOS na nagwakas ang ika-apat at huling debate ng mga kandidato sa pagka-pangulo sa Phinma University – University of Pangasinan sa Dagupan City kagabi.
Tulad ng inaasahan, nagbangayan sa kani-kanilang mga pananaw sa serbisyo ng pamahalaan sina Davao City Mayor Rodrigo Duterte at dating Interior and Local Government Secretary Manuel Araneta Roxas II. Pinagtalunan nila kung mayroong nagawa ang Aquino administration sa mga mahihirap na may karamdaman. Tumangging patulan ni Mayor Duterte ang paghahamon ni G. Roxas na umatras sa panguluhan sa oras na mapatunayan niyang may nakinabang sa social program ng PhilHealth sa Davao City.
Nauwi sa pagbabansag ni Mayor Duterte na "sinungalin" si G. Roxas samantalang nanawagan ang dating miyembro ng gabinete na huwag tularan ng mga kabataan si Mayor Duterte sa maling halimbawa nito.
Para kay Senador Grace Poe, mahalaga ang papel ng mga kababaihan sa kaunlaran ng bansa kasabay ng pangangakong pag-iibayuhin ang mga programang dadalo sa mga pangangailangan ng mga mahihirap na mamamayan.
Sinabi naman ni Senador Miriam Defensor Santiago na siya na ang pinakamagaling na kandidato sa pagka-pangulo sapagkat bukod sa angking talino, ibayo niyang napaglingkuran ang pamahalaan mula sa pagiging hukom, komisyuner ng Immigration at senador ng bansa. Bukod tangi rin ang kanyang integridad sapagkat hindi man lamang siya nasangkot sa anumang anomalya.
Nagpaliwanag naman si Vice President Jejomar C. Binay na napaglingkuran na niya ang Makati City at napa-unlad niya ito sa loob ng 21 taon bilang punong-lungsod. Naging chairman din siya ng Metro Manila Council hanggang sa makilala ang tanggapan bilang Metro Manila Development Authority. Kung pangako pa lamang ang maibibigay ng kanyang mga katunggali, maipakikita na niya ang kanyang nagawa sa Makati City na kinikilalang financial district ng bansa.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |