Nakipagtagpo nitong Huwebes, Mayo 26, 2016, sa Vientiane, Laos si Boungnang Vorachith, Pangulo ng bansang ito, kay Chang Wanquan, Ministro ng Tanggulan ng Tsina.
Sinabi ni Boungnang Vorachith na komprehensibo, pangmatagalan at matatag ang mga kooperasyon ng dalawang bansa at dalawang hukbo sa iba't ibang larangan.
Sinabi naman ni Chang na nakahanda ang hukbong Tsino na palalimin, kasama ng panig militar ng Laos, ang mga kooperasyon at pagpapalitan sa mataas na antas, kakayahang militar, pagsasanay sa mga tauhan, at seguridad, para pagyamanin ang komprehensibong estratehikong partnership na pangkooperasyon ng dalawang bansa.
Inilahad din ni Chang ang paninindigang Tsino sa isyu ng South China Sea (SCS). Ipinahayag ni Boungnang Vorachith na dapat mapayapang lutasin ang mga hidwaan sa pamamagitan ng talastasan para pangalagaan ang katatagan at kapayapaan sa rehiyong ito. Dagdag pa niya, kinakatigan ng Laos ang paninindigan ng Tsina sa pangangalaga sa nukleong pambansang kapakanan.