Nagtagpo ngayong araw, Huwebes, ika-23 ng Hunyo 2016, sa Tashkent, Uzbekistan, sina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Pangulong Mamnoon Hussain ng Pakistan.
Ipinahayag ni Xi ang pag-asang palalalimin ng Tsina at Pakistan ang pragmatikong kooperasyon sa iba't ibang larangan, lalung-lalo na sa aspekto ng konstruksyon ng economic corridor ng dalawang bansa, at mga katugong proyektong may kinalaman sa pamumuhay ng mga mamamayan. Sinabi rin niyang pagkaraang sumapi ang Pakistan sa Shanghai Cooperation Organization (SCO), umaasa ang Tsina na isasagawa ng dalawang bansa ang malalim na kooperasyon sa balangkas ng organisasyong ito.
Ipinahayag naman ni Hussain ang pagkatig sa mga paninindigan ng Tsina sa isyu ng Taiwan, Tibet, South China Sea, at iba pa. Umaasa aniya ang Pakistan, na palalakasin, kasama ng Tsina, ang kooperasyon sa mga aspektong gaya ng konstruksyon ng economic corridor, imprastruktura, at paglaban sa terorismo. Umaasa rin siyang pasusulungin ng dalawang bansa ang kooperasyon sa mga multilateral na platapormang gaya ng United Nations at SCO.
Salin: Liu Kai