Sa Think Tank Seminar on South China Sea and Regional Cooperation and Development, na idinaos ngayong araw, Lunes, ika-18 ng Hulyo 2016, sa Singapore, ipinahayag ni Zhao Qizheng, Dean ng School of Journalism and Communication ng Renmin University ng Tsina, ang pag-asang sa pamamagitan ng talino ng iba't ibang panig, magagawang palamigin ang isyu ng South China Sea, at panunumbalikin ang kapayapaan, pagtutulungan, at kaunlaran sa rehiyong ito.
Sinabi ni Zhao, na pagkaraang ilabas ng arbitral tribunal ang di-umano'y "award" sa South China Sea arbitration, ipinahayag ng pamahalaang Tsino ang di-pagtanggap at di-pagkilala dito. Dagdag niya, walang hurisdiksyon sa kaso ang arbitral tribunal, at lumampas at umabuso rin ito sa kapangyarihan. Ang ganitong arbitrasyon aniya ay walang-bisa at walang binding force.
Sinabi rin ni Zhao, na ang mapayapang talastasan ay karapat-dapat na paraan para lutasin ang hidwaan ng Tsina at Pilipinas sa South China Sea. Napansin aniya ng Tsina ang opinyong publiko ng Pilipinas hinggil sa pagsasagawa ng pakikipagdiyalogo sa Tsina, at ipinahayag din ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kahandaang magpadala ng sugo sa Tsina, para isagawa ang diyalogo sa isyu ng South China Sea. Ipinahayag ni Zhao ang pag-asang panunumbalikin sa lalong madaling panahon ang naturang talastasan, para bumalik sa normal na landas ang relasyong Sino-Pilipino.
Binigyang-diin din ni Zhao, na lubos na pinahahalagahan ng Tsina ang pagpapaunlad ng mapagkaibigang relasyon sa iba't ibang bansang ASEAN, at ang kapayapaan, katatagan, pagtutulungan, at kaunlaran sa South China Sea ay angkop sa pinakamalaking interes ng iba't ibang panig. Aniya, sa harap ng kasalukuyang kalagayan, dapat palakasin ng Tsina at ASEAN ang diyalogo, alisin ang mga hadlang, at palawakin ang kooperasyon, para ang South China Sea ay maging karagatan ng pagtutulungan, pagkakaibigan, at kapayapaan.
Salin: Liu Kai