NANINIWALA si Ambassador Francis Chua, dating pangulo ng Federation of Filipino Chambers of Commerce and Industry, Inc. (FFCCCI) na walang dahilan upang magkaroon ng tensyon sa pagitan ng Pilipinas at Tsina matapos maglabas ng desisyon ang Arbitral Tribunal noong nakalipas na Martes.
Sa isang panayam, sinabi ng dating special envoy ng Pilipinas sa Tsina sa larangan ng kalakal na maliwanag sa pamahalaan, tulad ng pahayag ng Malacanang, tanging si Foreign Affairs Secretary Perfecto R. Yasay, Jr. lamang ang may karapatang magsalita sa panig ng Duterte Administration.
Magugunitang nanawagan si Kalihim Yasay, ani G. Chua, na maging mahinahon sa likod ng desisyon ng Arbitral Tribunal sa The Hague. Naniniwala rin umano ang Tsina na isang malapit na kaibigan at bansa ang Pilipinas. Walang dahilan upang mag-away sapagkat magkabilang panig ang naniniwalang magkakaroon ng ibayong biyaya ang kapayapaan sa pagitan ng Tsina at Pilipinas.
Ang Tsina, ani G. Chua ay naniniwala sa kahalagahan ng kapayapaan sa rehiyon.