Vientiane, Laos- Lumisan dito Biyernes, Setyembre 2, 2016 si Pangulong Bounyang Volachit ng Laos, papuntang Tsina para dumalo sa G20 Summit na gaganapin mula Setyembre 4 hanggang 5, sa Hangzhou, siyudad sa dakong silangan ng Tsina. Dadalo si Pangulong Bounyang sa nasabing summit bilang kinatawan ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN). Ang Laos ay kasalukuyang bansang tagapangulo ng ASEAN.
Sa panayam bago siya lumisan ng Laos, ipinahayag ni Bounyang na ang paanyaya sa kanya ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina na lumahok sa gaganaping G20 Summit ay nagpakita ng pagpapahalaga ng Tsina sa ASEAN.
Si Pangulong Bounyang Volachit ng Laos sa panayanm sa mga media na Tsino
Ipinahayag ng pangulong Lao ng pag-asang sa idaraos na summit, matutupad ang mga proposal at plano na gaya ng plano ng pagpapatupad ng United Nations (UN) 2030 Agenda for Sustainable Development at proposal hinggil sa industriyalisasyon ng mga di-maunlad na bansa. Ito aniya ay para makinabang ang mga mamamayan ng iba't ibang bansa, lalong lalo na ang mga umuunlad na bansa.
Ipinahayag din ni Pangulong Bounyang ang paghanga sa ginagampanang papel ng Tsina, bilang bansang punong–abala sa pagpapasulong ng gaganaping G20 Summit para matulungan ang mga di-maunlad na bansa at malutas ang mga pandaigdig na isyung pangkabuhayan at pampinansya.
Salin: Jade
Pulido: Rhio