Mount Herzl, Jerusalem — Dumalo nitong Biyernes, Setyembre 30, 2016, si Wan Gang, Espesyal na Sugo ni Pangulong Xi Jinping, at Ministro ng Siyensiya't Teknolohiya ng Tsina, sa seremonya ng pambansang libing kay Shimon Peres, dating lider ng Israel. Sa ngalan ni Pangulong Xi, pamahalaan at mga mamamayang Tsino, ipinahayag ni Wan ang taos-pusong pakikidalamhati sa pagpanaw ni Peres. Ipinaabot din niya ang taos-pusong pakikiramay sa mga lider na Israeli na gaya nina Pangulong Reuven Rivlin, Punong Ministro Benjamin Netanyahu, at iba pa.
Sinabi ni Wan na si Ginoong Peres ay beteranong pulitiko at diplomata, at siya ring tagapagtatag at aktibong tagapagpasulong sa prosesong pangkapayapaan ng Gitnang Silangan. Aniya, gumawa si Peres ng positibong ambag para sa relasyong Sino-Israeli. Ang pagpanaw niya ay kapinsalaan hindi lamang sa kapayapaan ng Gitnang Silangan, kundi maging sa relasyong Sino-Israeli.
Ipinahayag din niya na lubos na pinahahalagahan ng panig Tsino ang pagpapaunlad ng relasyong Sino-Israeli. Ang susunod na taon ay ika-25 anibersaryo ng pagkakatatag ng relasyong diplomatiko ng Tsina at Israel, nakahanda aniya ang panig Tsino na magsikap, kasama ng panig Israeli, para maisakatuparan ang mga mahahalagang komong palagay na narating ng mga lider ng dalawang bansa at mapasulong ang pagtatamo ng kanilang bilateral na relasyon ng mas malaking progreso.
Dumalo sa libing ang mga opisyal at kinatawan mula sa ilampung bansa at organisasyong pandaigdig.
Salin: Li Feng