|
||||||||
|
||
TINATAYANG aabot sa US $ 7.3 milyon o P 353 milyon ang kinita ng Abu Sayyaf sa kanilang kidnapping activities sa unang anim na buwan ng taon. Nagtuon sila ng pansin sa pagdukot ng mga tripulante ng tugboats sapagkat 'di na sila makagalaw sa walang-humpay na operasyon ng militar.
Nakita ng isang mamamahayag ang pinagsanib na military at police threat assessment report at nagsabing bahagyang nabawasan ang bilang ng mga Abu Sayyaf subalit may kakayahan pang maglunsad ng pagsalakay.
Umabot na lamang sa 481 ang Abu Sayyaf sa unang anim na buwan mula 506 sa unang anim na buwan ng 2015. Nakagawa sila ng may 32 pambobomba at mas mataas ng 68% sa pagtatangkang mailayo ang mga militar sa kanilang pinagkukutaan. Mayroon pa silang 438 mga sandata at nakapagsanay pa ng mga terorista kahit pa sinasalakay sila ng mga kawal.
Pinagtuunan ng pansin ng mga Abu Sayyaf ang mga tripulanteng sakay ng tugboats sa karagatan ng Pilipinas, Malaysia at Indonesia. Nakamtan nila ang salapi sa pagdukot sa 14 na Indonesian at apat na Malaysian. Tumanggap din sila ng P 20 milyon sa pagpapalaya kay Marites Flor na dinukot kasama ang dalawang Canadian at isang Norwegian.
Tumanggi ang militar na batid nila ang pagbabayad ng ransom para sa kalayaan ng mga bihag sapagkat mayroon silang no-ransom policy.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |