Sina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Pangulong Vladimir Putin ng Rusya ay nagpadala ng mensaheng pambagong taon sa isa't isa, Sabado, Disyembre 31, 2016.
Sa kanyang mensahe, ipinahayag ni Pangulong Xi ang pagbati kay Pangulong Putin at mga mamamayan ng Rusya. Sinabi ni Xi na ang taong 2016 ay ika-20 anibersaryo ng pagkakatatag ng estratehikong partnership na pangkooperasyon ng Tsina at Rusya. Aniya pa, sa pagsasamantala sa pagkakataong ito, pinahigpit ng dalawang bansa ang kanilang pagpapalitan at pagtutulungan sa iba't ibang larangan.
Hangad ni Pangulong Xi na sa bagong taon, ibayo pang mapapasulong ang pagtitiwalaang pulitikal ng dalawang bansa, mapapalalim ang pragmatikong pagtutulungan, at mapapahigpit ang koordinasyon sa mga suliraning pandaigdig.
Sa kanya namang mensahe, ipinahayag ni Pangulong Putin ang taos-pusong hangarin para sa kaligayahan at kalusugan ng mga mamamayang Tsino. Ipinahayag din niya ang paghanga sa mabubungang kooperasyon ng Tsina at Rusya sa taong 2016. Naniniwala siyang sa taong 2017, ibayo pang susulong ang ugnayang Sino-Ruso para makinabang dito ang mga mamamayan ng dalawang bansa. Umaasa rin siyang ang mas mainam na relasyon ng dalawang bansa ay patuloy na makakapagbigay ng ambag sa katatagan at kapayapaan ng daigdig.
Nagpalitan din ng mensaheng pambagong-taon sa isa't isa sina Premyer Li Keqiang ng Tsina at Punong Ministro Dmitry Medvedev ng Rusya.
Tagapagsalin: Jade
Tagapagpulido: Mac