Sa isang preskong idinaos ng regular na taunang pulong ng Pambansang Kongresong Bayan (NPC) ng Tsina, inilahad Miyerkules, Marso 8, 2017, ni Ministrong Panlabas Wang Yi ng Tsina ang ideyang pandiplomasya ng Tsina bilang isang malaking bansa, sa mga maiinit na isyung gaya ng pagpapasulong ng kooperasyong pandaigdig sa "Belt and Road" Initiative, relasyong Sino-Amerikano, at situwasyon ng Korean Peninsula.

Kaugnay ng gaganaping Porum ng Kooperasyong Pandaigdig sa "Belt and Road" sa darating na Mayo sa Beijing, inihayag ni Wang ang mataas na pag-asa ng panig Tsino sa matatamong bunga nito.
Kaugnay ng relasyong Sino-Amerikano, sinabi ni Wang na matatag na sumusulong at umuunlad ang relasyong ito sa positibong direksyon. Aniya, noong isang buwan, nagkaroon ng isang mahalagang pag-uusap sina Pangulong Xi Jinping at Pangulong Donald Trump kung saan tiniyak nila ang kahalagahan ng paggigiit ng prinsipyong "Isang Tsina." Ito aniya ay nakapagbigay-patnubay sa pag-unlad ng relasyon ng dalawang bansa.

Tungkol din sa kasalukuyang maigting na situwasyon sa Korean Peninsula, ipinahayag ni Wang na ang pinakamahalagang bagay sa ngayon ang sabay na pagtitigil ng Hilagang Korea sa aktibidad na nuklear nito, at pagtitigil ng Amerika at Timog Korea ng kanilang malawakang ensayong militar. Layon nitong makabalik ang iba't-ibang panig sa talastasan, aniya pa.

Bukod dito, nilagom din ni Wang ang ideyang diplomatiko ng Tsina bilang isang malaking bansa. Aniya, bilang pirmihang kasaping bansa ng UN Security Council, nakahanda ang Tsina na gawin ang obligasyon nito sa pangangalaga sa kapayapaan at kaligtasang pandaigdig. Bilang ikalawang pinakamalaking ekonomiya sa daigdig, nakahanda rin aniya ang Tsina na gumawa ng karapat-dapat na ambag para sa paglaki ng kabuhayang pandaigdig. Bilang pinakamalaking umuunlad na bansa, ang Tsina ay gaganap ng mas malaking papel sa pangangalaga sa lehitimong karapatan at kapakanan ng mga umuunlad na bansa, dagdag pa niya.
Salin: Li Feng