Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Selebrasyon ng Ika-50 Anibersaryo ng ASEAN, idinaos sa Embahadang Indones sa Beijing: Embahador Pilipino, nagtalumpati

(GMT+08:00) 2017-08-08 18:42:52       CRI

Seremonya ng pagtataas ng bandilang ASEAN

Beijing, Tsina - Isang seremonya ng pagtataas ng bandila ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) at simpleng salu-salo ang idinaos kaninang umaga, Agosto 8, 2017, sa Embahada ng Indonesia bilang selebrasyon sa Ika-50 Anibersaryo ng Pagkakatatag ng ASEAN.

Mga embahador at mga dialoguepartner ng ASEAN

Embahador Jose Santigo Sta Romana (ika-2 mula sa kaliwa) habang nanonood ng kultural na pagtatanghal saEmbahada ng Indonesia sa Beijing

Bilang kasalukuyang Tagapangulo ng ASEAN Committee-Beijing, inimbitahan ni Embahador Soegeng Rahardjo, Sugong Indones sa Tsina ang lahat ng embahador mula sa mga bansang ASEAN, dialogue partners ng ASEAN, matataas na opisyal ng mga may-kinalamang sangay ng Pamahalaang Tsino, media, at iba pang mga kaibigan para sa nasabing pagtitipon.

Embahador Soegeng Rahardjo ng Indonesia

Sa kanyang talumpati, sinabi ni Rahardjo na ang ASEAN ay isa na ngayon sa mga nangungunang organisasyong pandaigdig, na gumanap ng importanteng papel sa paghubog ng rehiyonal na kaayusan, at pagkakaroon ng kapayapaan at katatagan sa rehiyong Asya Pasipiko.

Sa kasalukuyang pagdiriwang ng pagkakatatag ng ASEAN, kailangan aniyang ipagpatuloy ang paghahanap ng mga bagong oportunidad upang mapabuti ang buhay ng mga mamamayang ASEAN, sa pamamagitan ng mas pinaigting na paggagalugad sa mga komong layunin, paggapi sa mga hamon sa mapayapang paraan, at pagpapahigpit ng pagpapalitan ng mga mamamayan.

Embahador Joe Santiago Sta Romanang Pilipinas

Sa kabilang dako, binasa naman ni Embahador Jose Santiago Sta Romana, Sugo ng Pilipinas sa Tsina ang mensahe ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte para sa Ika-50 Anibersaryo ng Pagkakatatag ng ASEAN.

Sa nasabing mensahe, sinabi ni Pangulong Duterte na ikinararangal ng Pilipinas ang pagiging Tagapangulo ng ASEAN sa taong ito.

Nagbibigay-pugay aniya siya sa lahat ng naglatag ng pundasyon at walang-sawang nagtrabaho upang makamtan ang kolektibong pangarap at aspirasyon ng ASEAN.

Ani Duterte, nakikilahok ang buong Sambayanang Pilipino, kasama ng mga kapatid mula sa Timog-silangang Asya sa muling pagpapatibay ng pangako sa pagtatayo ng isang ASEAN para sa positibong pagbabago sa buhay ng mga mamamayan – isang ASEAN na proaktibo, napapanahon, at transpormatibo.

"Panahon na para sa ASEAN upang gumanap ng natatanging papel at igiit ang posisyon nito sa komunidad ng daigdig."

Dagdag ni Duterte, narating ng ASEAN ang kinaroronan nito ngayon dahil sa "Kaparaanang ASEAN," at ang paraang ito ang siya ring lakas-tagapagsulong sa pagkakamit ng mga komong mithiin ng mga mamamayang ASEAN.

"Ipagpapatuloy ng Pilipinas ang pagpupunyagi, kasama ng mga kapatid sa ASEAN upang isigurado na makakamit ng mga mamamayan ng rehiyong ito ang pag-unlad, habang sumusulong bilang katuwang sa positibong pagbabago sa susunod pang 50 taon."

Asistenteng Ministrong PanlabasKong Xuanyou ng Tsina

Samantala, binasa naman ni Kong Xuanyou, Asistenteng Ministrong Panlabas ng Tsina ang mensahe ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina para sa nasabing pagdiriwang.

Sa kanyang mensahe, ipinahayag ni Xi ang kanyang mainit na pagbati at pagbati ng mga mamamayang Tsino kay Pangulong Duterte, mga mamamayang Pilipino, mga kasaping bansa at mga mamamayang ASEAN sa pagdiriwang nila ng Ika-50 Anibersaryo ng Pagkakatatag ng nasabing Asosasyon.

Aniya pa, nitong kalahating siglo, walang humpay na lumalakas ang ASEAN at naitatag ang ASEAN Community.

Gumaganap aniya ito ng mahalagang papel sa pangangalaga sa kapayapaan at katatagan ng rehiyon, at nagsisilbi rin itong lakas na kumakatawan sa multipolarisadong pag-unlad ng daigdig.

Hangad aniya ng Tsina na makapagtatamo ang ASEAN ng mas malakas na pag-unlad sa pagtatatag ng ASEAN Community, para makapagkaloob ng mas malaking ambag para sa kapayapaan, katatagan at kasaganaan ng rehiyon at ng mas malaking kapakinabangan para sa mga mamamayan ng ASEAN.

Idinagdag pa ni Xi na sapul nang itatag ng Tsina at ASEAN ang relasyong pandiyalogo noong 1991, naging sandigan ng dalawang panig ang pagtutulungan at pag-unlad, at dahil dito, patuloy na lumalakas ang pagtitiwalaang pampulitika at patuloy na nagiging mabunga ang mga pragmatikong pagtutulungan.

Masasabing ang relasyong Sino-ASEAN ay ang pinakamasigla, pinakamayaman sa mga relasyon ng ASEAN at mga dialogue partner nito, dagdag ni Xi.

Ipinagdiinan ni Xi na laging handa ang Tsina na patuloy na igiit ang prinsipyo ng pagiging matalik, matapat, kapaki-pakinabang, inklusibong katuwang ng ASEAN.

Dapat din aniyang samantalahin ang ika-15 anibersaryo ng pagkakatatag ng estratehikong partnership ng Tsina at ASEAN na matatapat sa 2018, para itatag ang mas mahigpit na komunidad ng dalawang panig na may ipinagbabahaginang kinabukasan.

Ang ASEAN ay itinatag noong Agosot 8, 1967 sa Bangkok, Thailand, at ang mga tagapagtatag nito ay Pilipinas, Indonesia, Malaysia, Singapore, at Thailand.

Layon nitong isulong ang kooperasyong pampulitika, ekonomiya, kooperasyon at rehiyonal na katatagan.

Ulat at lawaran: Rhio
Webeditor: Liu Kai

May Kinalamang Babasahin
Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>