Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Delegasyong Pinoy, dumalaw sa Beijing Foreign Studies University

(GMT+08:00) 2017-10-26 18:23:56       CRI

Dumalaw nitong Martes, Oktubre 24, 2017 sa Beijing Foreign Studies University (BFSU) ang delegasyong Pilipino na binubuo ng 14 na mag-aaral at 3 guro mula sa Ateneo de Manila University (ADMU), De La Salle University (DLSU) at University of Sto. Tomas (UST). Ang pagdalaw sa Tsina ay bahagi ng isang aktibidad na itinaguyod ng Pasuguan ng Tsina sa Pilipinas at naglalayong isulong ang kultural na komunikasyon sa pagitan ng mga kabataang Tsino at Pilipino.

Delegasyong Pilipino kasama ang mga guro at estudyante ng BFSU.

Si Prof. Ma Zhongwu, Vice Dean ng School of Asian & African Studies ng BFSU (kanan) at si Prof. Xu Hanyi, guro ng Philippines Studies Program (kaliwa).

Malugod na tinanggap ni Prof. Ma Zhongwu, Vice Dean ng School of Asian & African Studies ng BFSU ang mga bisita. Sa kanyang mensaheng panalubong, sinabi ni Prof. Ma na napakahalaga ng pagkakatatag ng Philippine Studies Program sa kanyang pamantasan ngayong taon. Kasalukuyan, kumpleto na ang kurso sa wika ng mga bansa sa Timogsilangang Asya. Dagdag niya, sa hinaharap, umaasa siyang maitatag din ang isang sentro ng pananaliksik para sa pag-aaral ng Pilipinas. At umaasa siyang magkakaroon ng masiglang pagpapalitan ang BFSU sa mga pamantasan sa Pilipinas.

Pagpapalawig ng oportunidad para sa pagpapalitan ng mga pamantasan

Ibinahagi ng tatlong faculty na mula sa Pilipinas na hindi basta-basta ang pagsasagawa ng mga kooperasyon sa mga malalaking pamantasan sa Tsina. Sinabi ni Dr. Marica Estrada ng UST bukas ang kanyang unibersidad sa pagkakaroon ng ugnayan sa mga pamantasan sa Tsina at sa pamamagitan ng Youth China Tour mas mapapalawig ang relasyon at magkaroon ng oportunidad ang parehong panig hinggil sa adhikaing ito.

Sina Sidney Bata ng ADMU (kaliwa), Elaine Tolentino ng DLSU (gitna) at si Dr. Marica Estrada ng UST.

Kumpara sa UST at DLSU, ang ADMU ay may mas maraming programa na kasalukuyang tumatakbo sa ilang mga pamantasan sa Tsina. Partikular ang Philippine Studies Exchange program kung saan ipinadadala sa Peking University ang Pilipinong faculty at kada 4 na taon ay nag-aaral naman sa Katipunan campus ang mga mga mag-aaral na Tsino sa nasabing kurso.

Si Sidney Bata ng Ateneo (kaliwa) kasama si Si Prof. Ma Zhongwu habang tinatanggap ang regalo mula sa BFSU.

Ayon kay Sidney Bata, Director ng Ricardo Leung Center for Chinese Studies na umaasa ang Ateneo na magkakaroon din ng exchange program ang BFSU at ADMU sa hinaharap. Hinggil naman sa bentahe ng pagdalaw na ito para sa kanyang pamantasan, sinabi ni Bata na nais ng ADMU na pataasin ng 10% ang bilang ng dayuhang mag-aaral at sa pamamagitan ng linkages sa ibang bansa mabilis itong maipapatupad. Makakatulong din aniya ito sa pagpapataas ng ranking at internationalization ng Ateneo.

Sa panig naman ng DLSU, sinabi ni Elaine Tolentino, ang patuloy na pagganda ng relasyon ng Tsina at Pilipinas nawa ay magbunga ng mas madalas pang people to people exchanges sa mga estudyante, faculty at maging mga kawani ng mga pamantasan na limitado ang pagkakataong sumali sa katulad na byahe sa labas ng bansa.

Mag-aaral ng BFSU, inawit ang isang Pinoy pop song

14 estudyante ang kasalukuyang naka-enroll sa Philippines Studies Program ng BFSU. Bagamat isang buwan pa lamang nag-aaral ng wikang Filipino, sinorpresa ng mga kabataang Tsino ang kanilang bisitang Pinoy sa pamamagitan ng pag-awit ng kantang "Mahal Kita Kasi."

Ang unang batch ng Philippines Studies freshmen habang inaawit ang Mahal Kita Kasi.

Bilang reaksyon sa narinig na pag-awit, sinabi ni Rovin Andrew Feliciano, delegate mula sa Ateneo School of Governance na kahit ilang buwan pa lang na nagbukas ang Philippine Studies program, ramdam niya na niyakap ng mga kabataang Tsino ang pag-aaral ng kulturang Pilipino. Pinahalagahan niya ang ibinubuhos na oras at pagpupunyagi ng mga estudyante sa pag-aaral ng isang dayuhang wika tulad ng Filipino.

Ayon naman kay Xu Ruotang, mag-aaral ng Philippine Studies, mahalaga ang aktibidad na ito dahil binigyan sila ng oportunidad na makausap ang mga dayuhan mula sa bansang kanilang pinag-aaralan ang wika. Masaya siya dahil natuklasan niyang parehong nais malaman ng isat isa ang mas maraming bagay hinggil sa kultura.

Sina Wang Haixu (kaliwa) at Xu Ruotang (gitna), freshmen students ng Philippines Studies Program.

Naniniwala naman si Wang Haixu na tunay na pinabuti ng aktibidad ang pagkakaibigan sa pagitan ng mga Tsino at Pilipino. Masaya siyang malamang kinalugdan ng mga kabataang Pinoy ang kanilang awit. Maganda ang resulta ng kaniyang paghihirap sa pag-aaral ng kantang ito.

Matapos ang pagdalaw sa ilang kilalang tourist sites sa Beijing, ang delegasyon ay tutulak naman papuntang Xinjiang.

Si Prof. Huo Ran, guro ng Philippines Studies Program habang ipinakikilala ang BFSU sa mga bisita.

Sabik si Rovin Andrew Feliciano, na Konsehal din sa Lunsod ng Valenzuela sa kanilang pagbyahe sa Xinjiang dahil makikita niya ang dalawang mukha ng Tsina. Kanyang titingnan ang urban development sa Beijing at aalamin ang proseso ng rural to urban development naman sa Xinjiang.

Ulat : Mac Ramos

May Kinalamang Babasahin
Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>