Ipinahayag ni Moon Jae-in, Pangulo ng Timog Korea (ROK) na walang anumang kaugnayan sa pagitan ng isyu ng tropang Amerikano na nakatalaga sa bansa at paglalagda ng kasunduaang pangkapayapaan ng Korean Peninsula.
Sa preskon Miyerkules, Mayo 2, 2018, sinipi ni Kim Eui-kyeom, Tagapagsalita ng Palasyong Pampanguluhan ng T. Korea ang sinabi ni Pangulong Moon bilang tugon sa pananalita ni Moon Chung-in, Espesyal na Asistente sa Diplomasya at Seguridad ng Pangulong T. Koreano. Anang tagapagsalita, buong linaw na tinukoy ni Pangulong Moon na ang pagtatalaga ng tropang Amerikano sa T. Korea ay dahil magkaalyado ang dalawang bansa, at wala itong kinalaman sa kasunduang pangkapayapaan ng Korean Peninsula.
Nauna rito, sinabi naman ng nasabing asistente na kailangang isaalang-alang ang pag-uurong ng tropang Amerikano mula sa bansa kung lalagda ang Hilaga't Timog Korea sa kasunduang pangkapayapaan, makaraang magkaroon ng makasaysayang pagtatagpo sina Pangulong Moon at Kim Jong Un, Kataas-taasang Lider ng Hilagang Korea, noong Abril 27.
Salin:Jade
Pulido: Rhio