Mula Enero hanggang Abril ng taong ito, umabot sa mahigit 9.1 trilyong yuan RMB ang kabuuang halaga ng pag-aangkat at pagluluwas ng Tsina, at lumaki ito ng 8.9% kumpara sa gayun ding panahon ng nagdaang taon.
Kaugnay ng estadistikang ito, sinabi ngayong araw, Huwebes, ika-10 ng Mayo 2018, ni Tagapagsalita Gao Feng ng Ministri ng Komersyo ng Tsina, na ipinakikita nito ang maganda at matatag na tunguhin ng kalakalang panlabas ng bansa. Dagdag aniya, tinatayang mananatili ang tunguhing ito, dahil sa mga paborableng elementong gaya ng matatag na pag-ahon ng kabuhayang pandaigdig, paglaki ng pangangailangan sa pamilihang pandaigdig, at paglaki rin ng pangangailangan sa pamilihang panloob ng Tsina at konsumo ng mga mamamayang Tsino.
Samantala, noong unang apat na buwan ng taong ito, nagkaroon ng mahigit 506 bilyong yuan na trade surplus ang Tsina, at ang bilang na ito ay mas mababa ng 24.1% kumpara sa gayun ding panahon ng nagdaang taon. Kaugnay nito, inulit ni Gao, na hindi sinasadyang naghahangad ang Tsina ng trade surplus. Aniya, ang kalagayan ng trade surplus ng bansa ay resulta ng takbo ng pamilihan, at magbabago ito dahil sa pagbabago ng pamilihan.
Salin: Liu Kai