Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Liangjiahe: Hindi siya nagpabaya sa trabaho (5)

(GMT+08:00) 2018-07-07 17:34:20       CRI

Ito ang ikalimang episode ng literary non-fiction na pinamagatang Liangjiahe, kung saan mababakas ang pitong taong pamumuhay at pagtatrabaho ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina, kasama ng mga taga-nayon ng Liangjiahe, simula noong 1969.

Si Xi Jinping, kasama ng mga taganayon habang bumibisita sa dati niyang panirahan sa Liangjiahe, noong 2015. (File photo: CCTV) 

Sa kanyang pamamalagi sa Liangjiahe, naging abala si Xi Jinping sa paggawa ng mga dam. Ang mga kabataang hindi magaling sa pagsasaka ay inilagay sa grupo ng konstruksyon na binubuo ng 20 o higit pang katao na nakatuon sa pagtatayo ng mga dam o pagkukumpuni ng mga hagdang-palayan.

Wala pang mga makinaryang pansaka noon sa kanayunan. Sa paggawa ng mga dam, kada suson ng lupa ay itinatambak gamit ang malalaking bato upang maging solidong pader. Mahirap na uri ng trabaho.

Ayon sa mga taganayon, isang tao ang naatasang magdala ng 200 karetilya ng lupa at bato bawat araw. Wala silang proteksyon tulad ng makapal na guwantes. Pagkatapos ng isang nakakapagod na araw, ang mga palad ni Xi Jinping ay puno ng paltos, naging sugatan at duguan dala ng pang–araw-araw na trabaho. Sa kabila nito, hindi siya tumigil hangga't hindi natatapos ang gawain. Saksi ang mga taganayon sa hindi niya pagpapabaya sa trabaho.

Sariwa pa sa alaala ni Liang Xinrong ang pagtatrabaho ni Xi Jinping sa construction team. Nagbalik-tanaw si Liang, "Seryoso siya sa trabaho. Nakasuot siya ng lumang asul na makapal na koton na dyaket, at sinturong mula sa lumang blasting fuse ang nakatali sa baywang. Hindi siya mukhang iskolar noong panahong iyon."

Karaniwan habang di gaanong abala sa pagsasaka sa panahon ng tag-lamig, isinasagawa ang paggawa ng dam. Ito rin ang pinakamahirap na panahon para magtayo ng mga dam. Ang paghuhukay ng namuo sa lamig na lupa, pagtutulak ng mga karetilya, at ang pagbabayo sa lupa hanggang ito'y maging siksik, lahat ay mabibigat na trabaho. Ang mga daliri ni Xi Jinping ay kumapal sa kalyo. Naalala ng isang kasamahan, Pebrero at Marso ng lunar calendar, habang nagsisimulang matunaw ang yelo at nyebe, tinupi ni Xi Jinping ang kaniyang pantalon, at lumusong nang nakapaa sa napakalamig na nagyeyelong tubig habang siya at kanyang mga kasamahan ay gumagawa ng hydraulic fill dam.

Nang mahalal siya bilang kalihim ng Liangjiahe brigade party branch, apat na dam sa Liangjiahe na ang naitayo ng mga taganayon kasama si Xi Jinping. Naalala ng dating puno ng production team, nang matapos ang pagtatayo ng mga dam, ang ani ng mais ay naging doble sa nayon.

Paglilinang sa kaugalian ng isang tao

Habang nakikipamuhay sa mga magsasaka, pinagyayaman rin ni Xi Jinping ang kaniyang kalooban at kaisipan sa pamamagitan ng mga aklat.

Ani Xi Jinping, "Noon, bukod sa mga gawain, may dalawang bagay din akong ginagawa: una nakikisalamuha ako sa mga taganayon at ang ikalawa ay naghahanap ng mga librong mababasa. Isang kasabihang Confucian ang naglarawan sa pakay ng isang binata: upang linangin ang sarili, ilagay sa ayos ang pamilya, maayos na patakbuhin ang lokal na pamahalaan, at isulong ang kapayapaan sa mundo. Ang mga tao sa ating henerasyon ay naimpluwensiyahan ng ganitong kaisapan mula pa ng tayo ay mga bata. 15 taong gulang ako nang ipadala sa kanayunan para magtrabaho. Kaya, sa isip ko hindi pa namin panahon para ilagay sa ayos ang pamilya, maayos na patakbuhin ang lokal na pamahalaan, o kaya isulong ang kapayapaan sa mundo. Pero ang tangi naming magagawa ay magbasa at linangin ang aming kaugalian."

Ang mga taganayon ng Liangjiahe ay humanga dahil laging nagbabasa ng makapal na libro si Xi Jinping. Nagbabasa siya habang kumakain, at hindi nakakalimot na magdala ng babasahin kahit magpapastol ng mga kambing.

Sa panahong iyon, wala pang kuryente sa nayon. Lahat ng taganayon ay natutulog ng maaga. Pero may ilaw na maaaninag mula sa tirahan ni Xi Jinping. Malalim na ang gabi nagbabasa pa siya, sinasabayan nang paninigarilyo. Isang pakete ng "Goats Flock" na nagkakahalaga ng 9 na sentimo ang nauubos niya sa magdamag. Ang paninigarilyo ay isang bisyo na binitawan niya nang magsimulang magtrabaho sa lalawigang Fujian.

Ang gaserang nagbigay liwanag habang nagbabasa ay gawa sa lumang botelya ng tinta. Mausok pero kailangang lumapit ni Xi para maayos na makapagbasa, kapalit nito ang pagkakaroon ng dungis sa mukha.

Kabilang sa makapal na librong kanyang nabasa ay mga sinauna at kontemporaryong mga aklat, librong Tsino at dayuhan, aklat tungkol sa literatura, pilosopiya at agham.

Sa mga kabataang mula Beijing, ang mga taga-Tsinghua University High School o Beijing 57 High School ay kadalasang galing sa mga nakapag-aral na mga pamilya at laging may bitbit na libro. Nagpapalitan sila ng mga libro at bumuo ng isang komunidad ng mga mahilig magbasa.

Isang mag-aaral mula Beijing 57 High School ang gumunitang naglakad si Xi Jinping ng 15 kilometro para lang hiramin sa kaniya ang German classic na "Faust" at nangakong ibabalik ito pagkatapos.

Sa panayam ng mga mamamahayag mula sa mga bansang kasapi ng BRICS noong Marso 2013, sinabi ni Xi Jinping na "Marami akong libangan. Pero ang pinakakinagigiliwan ko ay ang pagbabasa. Bahagi talaga ito ng aking pamumuhay."

Noong Pebrero 2014, nagbigay ng panayam si Xi Jinping sa Russian TV channel sa Sochi. Nang tanungin kung anu-anong mga aklat na Ruso ang kaniyang nabasa, sinabi niya ang mga likha ng mga manunulat na Ruso gaya nila Alexander Pushkin, Mikhail Lermontov, Fyodor Dostoevsky at marami pang iba. Ikinagulat ito ng host, at sinabing "Maraming mga Ruso ang hindi pa nakapagbasa nang katulad na dami."

Ani pa ni Xi, "Hindi sa pagmamayabang, binasa ko ang lahat ng mga klasikong akda na nakikita ko sa panahong iyon. Ang mga katagang nasasambit ko karamihan ay mula sa mga nabasa ko noon."

At noong Marso 2014, sa paanyaya ng Korber Foundation ng Alemanya, nagtalumpati si Xi Jinping, inilahad niya ang pagsunod ng Tsina sa mapayapang landas tungo sa kaunlaran at ang nagsasarili at mapayapang polisiyang panlabas. Sa kanyang talumpati, ginamit ni Xi Jinping ang klasikong karakter sa Faust na si "Mephisto" para pabulaanan ang teoryang banta ang Tsina na ikinakalat ng kanluraning lipunan.

Sinabi ni Xi Jinping, "Pagkatapos ng mahigit 30 taon ng mabilisang pag-unlad ng aming reporma at pagbubukas sa labas, ang GDP ng Tsina ay nasa ikalawang puwesto sa daigdig. Sa pagharap sa lumalaking ekonomiya ng Tsina, marami ang nag-aalala, habang ang iba naman ay tinitingnan ang Tsina na may bahid, at iniisip na ang pag-ulad ay isang di-maiiwasang banta at ipinakikitang ang Tsina ay isang nakababahalang "Mephisto", na tila ang Tsina, baka isang araw ay kunin ang kaluluwa ng buong mundo. Kahit ang mga argumentong ito ay pantasya, sa kasamaang-palad may mga taong hindi napapagod sa paglikha nito. Pinatutunayan nito ang katotohanang, ang pagkiling kadalasan ay ang pinakamahirap alisin."

Sa ibang pagkakataon, ibinahagi rin ni Xi Jinping kapuwa kina Chancellor Angela Merkel at ilang German Sinologists ang kaniyang damdamin hinggil sa pagbabasa ng Faust. Sinabi niyang "Hindi ko talaga naintindihan nang binasa ko ang Faust sa panahong iyon." Sinabi ng mga Aleman ang katulad na pahayag: "Kaming mga Aleman, hindi rin namin naiintindihan ang lahat tungkol sa Faust, kayo pa kaya." Tugon ni Xi Jinping, " Kung ganoon hindi pala ako bobo."

Sa panahon nang pamamalagi sa Liangjiahe, ginawa ni Xi Jinping ang lahat para hanapin ang mga akda ni William Shakespeare. Binasa niya ang A Midsummer Night's Dream, The Merchant of Venice, Twelfth Night, Romeo and Juliet, Hamlet, Othello, King Lear, Macbeth and iba pang mga dula. Kinagiliwan niya ang takbo ng kwento, ang malapit sa totoong buhay na mga karakter, at ang nakahahabag at nakaaantig na damdamin ng mga likha ni Shakespeare.

Sa mata ni Xi Jinping, ang magagandang akda ay hindi lamang nakapagbibigay ng linaw at inspirasyon, kundi tumutulong din sa pagpapalaganap ng pagkaunawa at komunikasyon sa iba't ibang mga bansa at kanilang mga mamamayan.

Salin: Mac
Edit: Jade

May Kinalamang Babasahin
Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>