Idinaos ngayong araw, Sabado, ika-4 ng Agosto 2018, sa Singapore, ang Pulong ng mga Ministrong Panlabas ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), Tsina, Hapon, at Timog Korea o "10 Plus 3".
Sa kanyang talumpati sa pulong, nagbigay si Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina, ng mataas na pagtasa sa mabilis na pag-unlad ng kooperasyon ng "10 Plus 3" nitong isang taong nakalipas. Ipinalalagay niyang, sa kasalukuyang lumalalang unilateralismo at proteksyonismo, at lumalaking epekto sa globalisasyong pangkabuhayan, kailangang buong tatag na pangalagaan ng "10 Plus 3" ang malayang kalakalan at multilateralismo, at pasulungin ang rehiyonal na integrasyong pangkabuhayan. Ito aniya ay para magbigay ng katatagan sa kabuhayang pandaigdig.
Binigyan naman ng mga ministrong panlabas ng mga bansang ASEAN, Hapon, at T.Korea, ng positibong pagtasa ang masaganang bungang natamo ng kooperasyon ng "10 Plus 3". Ipinahayag din nilang, dapat pabilisin ng "10 Plus 3" ang talastasan sa Regional Comprehensive Economic Partnership, pasulungin ang konstruksyon ng East Asia Economic Community, at pangalagaan ang kapayapaan at kasaganaan sa rehiyong ito.
Salin: Liu Kai