Ipinatalastas nitong Miyerkules, Oktubre 3 (local time), ni John Bolton, Tagapayo sa Pambansang Seguridad ng Amerika ang kapasiyahan ni Pangulong Donald Trump na tumiwalag ang bansa sa optional protocol hinggil sa paglutas sa alitan ng Vienna Convention on Diplomatic Relations.
Sinabi ni Bolton na ang nasabing kapasiyahan ni Pangulong Trump ay may kaugnayan sa inihaing sakdal ng Palestina laban sa Amerika. Ipinatalastas nitong nagdaang Sabado, Setyembre 29 ng Palestina na sinampahan na nito ng kaso ang Amerika sa International Court of Justice dahil labag sa Vienna Convention ang paglipat ng Amerika ng pasuguan nito sa Israel sa Jerusalem mula sa Tel Aviv.
Noong Disyembre, 2017, ipinahayag ni Pangulong Trump ang pagkilala sa Jerusalem bilang kabisera ng Israel. Noong Mayo, 2018, inilipat ng Amerika ang pasuguan nito sa Israel sa Jerusalem mula sa Tel Aviv. Ipinahayag naman ng matinding pagtutol dito ang panig Palestino.
Salin: Jade