Maraming statesman at thinker ang mahusay sa pagsasalaysay ng mga kuwento, at si Xi Jinping, Pangulo ng Tsina ay isa sa kanila. Hinggil dito, maglalabas tayo ng mga episode hinggil sa "Pagsasalaysay ng mga Kuwento ni Xi Jinping," at ito ang unang episode na pinamagatang "Anong landas ang tatahakin ng Tsina?"
Sa kanyang pagdalaw sa Britanya noong Oktubre ng 2015, nagtalumpati si Xi Jinping sa lunsod ng London. Bilang tugon sa pansin ng iba pang bansa sa pag-unlad ng Tsina, ipinaliwanag niya ang "landas ng Tsina."
Aniya, "Ang landas na tinatahak ng mga mamamayang Tsino ay pagpili ng kasaysayan. Dapat piliin ang landas na angkop sa kondisyon ng sariling bansa, saka lamang maisasakatuparan ang target ng pag-unlad. Nitong 37 taong nakalipas sapul nang isagawa ang reporma at pagbubukas sa labas ng Tsina, umabot sa halos 10% ang karaniwang paglaki ng ekonomiya ng Tsina bawat taon at naging ika-2 pinakamalaking ekonomiya sa daigdig, napawi ang karalitaan sa mahigit 600 milyong mamamayang Tsino, at umabot sa 7,000 dolyares ang karaniwang per capita Gross Domestic Product (GDP) ng bansa. Gumugol lamang ng ilang dokada ang Tsina upang makamtan ang pag-unlad, samantalang para sa mga maunlad na bansa, kinailangan nila ang ilang daang taon para makarating sa kanilang katayuan. Ito ay nagpapakitang ang Tsina ay nasa tumpak na landas."
salin:Lele