|
||||||||
|
||
Ipinatalastas nitong Martes, Oktubre 23, ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina ang pormal na pagbubukas ng Hong Kong-Zhuhai-Macao Bridge, sa Zhuhai, lalagiwang Guangdong sa dakong timog ng Tsina. Ang 55 kilometrong "megaproject" ay naglatag ng unang koneksyon sa pagitan ng Zhuhai, Macao at Hong Kong.
Si Pangulong Xi sa seremonya ng pagbubukas ng Hong Kong-Zhuhai-Macao Bridge
Itinatag nang 15 taon, ang Hong Kong-Zhuhai-Macao Bridge ay ang pinakamahaba at pinakakomplikadong proyektong dumadaan ng karagatan. Nagsisilbi rin itong pinakamahalagang imprastruktura ng transportasyon sa Guangdong-Hong Kong-Macao Greater Bay Area. Bunga nito, pinaikli sa 45 minuto mula sa tatlong oras ang biyahe mula Hong Kong patungong Zhuhai at Macao. Tulad ng sinabi ni Meng Fanchao, Punong Tagapagdisenyo ng tulay, ang pagkakatatag ng tulay ay ganap na magpapabago ng mga estrukturang panlipunan, pangkabuhayan at pantransportasyon ng Guangdong-Hong Kong-Macao Greater Bay Area. Makakalikha rin ito aniya ng mga oportunidad ng bagong pamamaraan ng pamumuhay at magdudulot ng benepisyong pangkabuhayan na nagkakahalaga ng ilampung trilyong yuan.
Sa pagtatayo ng tulay, maraming inobasyon ang inilapat na gaya ng samu't saring bagong materyales, bagong proseso, bagong kagamitan, at bagong teknolohiya. Mahigit 400 may kinalamang patente ang in-apply sa buong proseso ng konstruksyon. Inilarawan ni Su Quanke, Punong Enhinyero ng Hong Kong-Zhuhai-Macao Bridge Administration, ang tulay bilang tulay ng teknolohiya at tulay ng inobasyon. "Sa likod ng mga hamon ng pamantayang pandaigdig ay serye ng puwersang inobatibo at malakas na suportang panteknolohiya, " dagdag ni Su.
Ang Hong Kong-Zhuhai-Macao Bridge
Halimbawa, upang tugunan ang mga di-inaasahang kondisyon sa 120 taong buhay ng tulay, makakaya nito ang kategorya-16 na bagyo at magnitude 7 na lindol. Kasabay nito, lumikha rin ang tulay ng rekord bilang pinakamalaking tulay na asero at pinakamahalagang tsanel sa ilalim ng karagatan ng daigdig na may dalawang artipisyal na isla. Ang konstruksyon ay isinagawa sa katubigang-tinubuan ng mga white dolphin. Sa kabila ng laki ng proyektong ito, sa kasalukuyan, lumaki sa 2,000 mula sa 1,200 noong 2010 ang bilang ng mga dolphin. Ito ang dahilan kung bakit inilarawan ng peryodikong Guardian ang tulay bilang isa sa "pitong himala ng modernong daigdig."
Ang Hong Kong-Zhuhai-Macao Bridge ay isa sa pinakahuling halimbawa ng inobasyon ng Tsina. Nitong 40 taong nakalipas sapul nang isagawa ng bansa ang reporma't pagbubukas sa labas, buong-sikap na itinatag ng Tsina ang mas magandang pamumuhay ng mga mamamayang Tsino sa pamamagitan ng inobasyong panteknolohiya. Noong 2017, umabot sa 57.5% ang contribution rate ng progresong pansiyensiya't panteknolohiya ng Tsina sa paglaki ng pambansang kabuhayan. Halos umabot sa 1.4 milyon ang bilang ng patente ng inobasyon ng Tsina na 7 taong singkad na nangunguna sa daigdig. Noong 2017, sa kauna-unahang pagkakataon, naitala ang Tsina sa "Top 20 Global Innovation Index" ng World Intellectual Property Organization. Ayon kay Klaus Schwab, Tagapagtatag at Tagapangulong Tagapagpaganap ng World Economic Forum, at isa sa mga tagamasid ng reporma't pagbubukas ng Tsina, sa kasalukuyan, tumatahak ang Tsina sa landas ng pagtatatag ng inobatibong lipunan.
Sa totoo lang, ang layon ng Guangdong-Hong Kong-Macao Greater Bay Area ay maging pandaigdig na sentro ng inobasyong panteknolohiya. Sa pamamagitan ng Hong Kong-Zhuhai-Macao Bridge, mas maraming inobasyon ang inaasahang isasagawa ng mga mamamayang Tsino para makapag-ambag sa de-kalidad na pag-unlad ng kabuhayan at mas magandang pamumuhay.
Salin: Jade
Pulido: Rhio
Photo credit: IC
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |