Sa paanyaya ni Punong Ministro Lee Hsien Loong ng Singapore, dumating ngayong hapon (local time) sa Changi International Airport si Premyer Li Keqiang ng Tsina para pasimulan ang kanyang opisyal na pagdalaw sa bansang ito. Bukod sa pagdalaw, dadalo rin si Li sa gaganaping Ika-21 Pulong ng mga Lider ng Tsina at mga bansa ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) (10+1), Ika-21 Pulong ng mga Lider ng ASEAN, Tsina, Hapon, at Timog Korea (10+3). At Ika-13 Summit ng Silangang Asya.
Ipinahayag ni Premyer Li na ito ang kanyang unang biyahe sa Singapore sapul nang manungkulan siya bilang Chinese Premier. Umaasa aniya siyang sa pamamagitan ng biyaheng ito, mapapalalim pa ang kooperasyong Sino-Singaporean at mapapasulong ang komprehensibong kooperatibong partnership ng dalawang bansa.
Dagdag pa niya, nakahanda ang panig Tsino na magsikap kasama ng iba't-ibang panig upang mapataas ang lebel ng estratehikong partnership ng Tsina at ASEAN, mapasulong ang proseso ng integrasyong panrehiyon ng Silangang Asya, at magkakasamang mapangalagaan ang mainam na tunguhin ng kapayapaan at kaunlaran ng rehiyong ito.
Salin: Li Feng